Batangas Sports Complex ginawang ‘mini-casino’

ANO itong nasagap na ulat ng Chokepoint na ginagawang sugalan na animo’y mistulang ‘mini-casino’ na raw ang Batangas Sports Complex?

Ang naturang sports complex na makikita sa Barangay Bolbok, Batangas City ay lugar na raw ng iba’t ibang uri ng sugal.

Katulad ng beto-beto, kara ball, sakla at pula’t puti. At ang masama, pati mga bata ay pinapayagang maglaro at maglagay ng taya.

Ang sports complex, kung saan dito rin matatagpuan ang opisina ng Department of  Education (DepEd) ay palagi raw puno ng mananaya.

Nakalulungkot isipin na mismong sports complex na dapat sana’y sanayan ng mga atleta ay ginawang sentro ng operasyon ng mga iligal.

Hindi natin maarok ang isipan ni Gov. Vilma Santos-Recto at bagong talagang provincial commander na si S/Supt. Rosauro Acio.

Ang tanong ay… bakit pinapayagan ni Ate V. at Col. Acio na maging sugalan ang sports center na isang government facility?

At ang sumbong sa atin, may mga mobile car daw at mga unipormadong pulis ang umiikot-ikot sa nasabing sports complex.

At imbes na hulihin, animo’y nagsisilbi pa yata silang mga ‘guwardiya’ ng may-ari o operator ng nasabing mini-casino.

Napag-usapan na rin natin ang sugalan, matindi pala ang operasyon ng STL diyan sa bayan ng Ibaan.

Isang nagngangalang ‘Gerry Acedo’ ang itinuturong nasa likod ng malawakang operasyon ng STL-bookies sa nasabing bayan.

Para ‘di mabuking sa kanyang modus operandi, gumagamit si Acedo ng mga kubrador na may mga STL identification cards.

Ngunit ang katotohanan, ‘di lahat ng mga nakukubrang taya ng kanyang mga STL bet collector ay dinadala sa STL station.

Dahil bago sa STL station, dumidiretso muna ang mga bet collector sa kanyang  bahay sa Brgy. Munting Tubig kung saan hinahati ang nakolektang mga taya.

Kung halimbawa’y may collection na P100,000, ang P70,000 ay sa STL bookies ni Acedo ibinabagsak at ang natitirang P30,000 ay sa totoong STL station.

Hamon natin kay Col. Acio, aksiyunan ang mga sumbong na ito sa Chokepoint.

Abangan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply