Batas sa patubig ni Marcos ‘lusawin’

NAIS ng isang senador na lusawin ang Provincial Water Utilities Act,  isang batas ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, dahil hindi na umano ito angkop sa kasalukuyan.

Ang nasabing batas, na kilala rin bilang Presidential Decree 198, ay nagtitiyak na may malinis na inuming tubig sa bawat barangay.

Sinabi ni Sen. Ramon “Bong” Rev illa Jr. na kailangan nang amyendahan ang PD 198 dahil hihigit sa 16 milyong Filipino mula sa 432 munisipalidad ang walang pinagkukunan ng malinis na tubig.

Walang binanggit si Revilla kung bakit nabigo ang batas ni Marcos na mabigyan ng suplay na tubig ang daan-daang kabayanan sa bansa.

Sa halip, inilantad nito ang pinsalang idinudulot ng kawalan ng malinis na tubig, tulad ng paglaganap ng mga sakit mula sa maruming tubig tulad ng typhoid fever, amoebiasis at diarrhea.

Binanggit pa ni Revilla na hindi napigilan ng naturang batas ang kontaminasyon kamakailan ng pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Cagayan De Oro na ikinamatay ng limang residente at pagkakasakit ng 20 iba pa.

Base sa ulat, ang hindi maayos na sanitasyon sa lugar ang sanhi ng water contamination.

Naniniwala rin ang mga health officials na nahaluan ng dumi ng mga tao at hayop ang inuming tubig.

“Ang bansa natin ay mayaman sa tubig pero hindi pa natin nabibigyan ang ating mga kababayan ng sapat na water supply. Sa pamamagitan ng mas maayos na water utility system, napapabilis ang kaunlarang pang-ekonomiya ng mga komunidad, mapapangalagaan ang kalusugan at mapoprotektahan ang kapakanan ng mamamayan,” ani Revilla.

Sakaling mapagtibay ang pagbabago sa batas ni Marcos, umaasa si Revilla na maiiwasan nang magkasakit ang residente.

“Hindi na manganganib ang mga residente mula sa mga malalayong barangay sa pag-igib at paggamit ng tubig mula sa mga balon at bukal na maaring hindi na ligtas,” dagdag niya.

Layunin din ng panukala ni Revilla na mabigyan nang sapat na pondo ang Local Water Utility Administration (LWUA) upang makapagpatayo ng pasilidad sa kanayunan sa pangangasiwa at pagsusuplay ng malinis na tubig sa bawat residente.

Inihain din ng senador ang Senate Bill No. 23 upang maitaas ang awtorisadong capital ng LWUA tungo sa P25 bilyon mula sa dating P2.5 B at makatiyak na mapalawak nito ang paghahatid ng malinis na tubig.

“Dahil napakahalagang  magkaroon ng maayos na sistema ng water supply sa ikakaunlad ng bansa, nararapat lamang na dagdagan ang kapitalisasyon ng LWUA,” patapos niya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply