‘Bebeng’ lalabas na ng Pinas; 9 ang patay

MATAPOS kumitil ng siyam na buhay at manira ng mga tirahan ng 100,000 tao sa iba’t ibang lalawigan ng Luzon at Visayas ay lalabas na bukas, Martes, sa Pilipinas ang bagyong “Bebeng,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (Pagasa).

Sa ginanap na press conference Lunes ng umaga, sinabi ng Pagasa na ganap nang bubuti ang panahon sa paglabas ni Bebeng ng Philippine Area of Reponsibility matapos manalasa sa bahagi ng hilagang-silangan ng bansa si Bebeng noong Linggo.

Sa pinakahuling ulat ng  National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga namatay sa bagyo ay kinilalang sina Ricsan Sayamora, 9, ng Bato, Catanduanes; Plaribel Ruelan (19), Princess Ruelan (8 months old), at Marco Sanchez (7) ng Sitio Ikog, Balatan, Camarines Sur; Aristeo Sabido, 31, ng Barangay Tanawan, Lupi, Camarines Sur; Arnulfo Pesito, 23, ng Libon, Albay; Lourdes Lantero, 58, ng Daraga, Albay; Jerry Mijares, 38, ng Barangay Bonifacio, Lope de Vega; at Luis Dingcol, 47, ng Barangay Canlanpay, Carigara, Leyte.

Ang bagyo ay tumama sa lalawigan ng Catanduanes na may lakas na  85 kilometers per hour (kph) at lakas ng hangin na 100 kph. Si Bebeng ay nagdulot ng  landslides at tubig baha, puminsala at nagpaantala sa transportasyon, pati na ang pagkakawala ng kuryente sa ibang lugar sa lalawigan.

Kaugnay nito, ipinahayag ng kagawaran na bahagyang humina si Bebeng sa lakas na 75 kph sa bahagi ng Northern Casiguran.

Patuloy na hihina ang bagyo habang palabas ng Luzon bukas.

Nananatiling nakataas sa signal number 2 ang  Aurora, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Mt. Province, Kalinga, at Cagayan, habang nasa signal number 1 naman ang Northern Quezon, Polillo Island, Nueva Ecija, Benguet, Ilocos Sur, Abra, Ilocos Norte, Apayao, Babuyan, Calayan group of Islands, at Batanes.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply