Bersiyon ni Charice ng ‘Lupang Hinirang’ ok sa NHI

PINURI ng National Historical Institute (NHI) ang international singing sensation na si Charice Pempengco, dahil sa tamang pag-awit nito ng ‘Lupang Hinirang’ kahapon, Mayo 8, sa laban ni Manny Pacquiao kay Sugar Shane Mosley sa Las Vegas Nevada.

Si Charice ang napili ng Pinoy boxing champ para umawit ng national anthem bago ang pakikipagsagupa niya kay Mosley.

Ayon kay Teddy Atienza, chief ng Heraldry Section ng NHI, naibigay ni Charice ang tamang rendisyon ng national anthem.

Laking pasalamat din ni Atienza dahil talagang sinunod ni Charice ang march tempo ng awitin, batay sa CD na ipinadala nila sa singing sensation.

Mula ng maging kontrobersyal ang diumano’y maling pag-awit ng Lupang Hinirang nina Jennifer Bautista, Christian Bautista, Martin Nievera at Arnel Pineda ay pinadadalhan na ng NHI ng liham at CD ng wastong tempo ng national anthem ang sinumang kakanta nito sa iba’t ibang pagtitipon upang maging gabay.

Aniya, mismong ang manager pa ni Charice ang nagtungo sa NHI upang kunin ang CD, saka ipinadala ito sa mang-aawit sa pamamagitan ng e-mail.

Sinabi rin ni Atienza, padadalhan ng NHI si Charice ng e-mail at ang kaniyang inang si Raquel upang i-congratulate at pasalamatan.

Maging si Pacquiao naman ay padadalhan din umano nila ng congratulatory note matapos na muling magwagi sa laban at makapagdala ng panibagong karangalan sa bansa.

Noong 2008, nang awitin ni Charice ang Lupang Hinirang sa ‘Myx Mo’ concert ay ‘napagsabihan’ din siya ng NHI dahil sa maling rendisyon sa awitin.

Dahil dito, nais ni Charice na matiyak na sa oras na awitin niyang muli ang Lupang Hinirang ay tama na ang magiging pag-awit niya dito.

Unang pinuri ng NHI ang tamang pag-awit ni Charice sa national anthem nang awitin niya itong muli sa inagurasyon ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2010.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply