Bigcas nasa watchlist na ng Immigration

NASA watchlist na ng Bureau of Immigration (BI) ang negosyante at car dealer na si Allan Bigcas matapos itong hindi dumalo sa pagdinig sa House sub-committee on ways and means kaninang umaga.

Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima sa  mga mambabatas sa ginanap na pagdinig na ipapaloob ng Department of Justice (DOJ) sa watch list ng BI ang negosyante hangga’t hindi pa nakapag-iisyu ng hold-departure order (HDO) ang korte upang hindi ito makapuslit palabas ng bansa.

Nauna rito ay nangako si Bigcas na ipakikita sa komite ang mga dokumento na nagpapatunay na hindi smuggled ang kanyang mga sasakyan at mga imported na motorbikes.

Nagpahayag ng pangamba ang mga kongresista sa posibilidad na makalabas ng bansa at takbuhan ni Bigcas ang mga kahaharaping kaso.

Maaari lamang isyuhan ng HDO si Bigcas kapag naihain na nang pormal ang kaso laban sa kanya sa korte.

Kasabay nito ay nagbabala ang mga mambabatas sa pangunguna ng chairman ng sub-committee na si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas na kapag hindi pa  sumipot sa Lunes sa susunod na pagdinig si Bigcas ay  isasailalim nila ito sa contempt at gagawin itong “overnight guest” ng House of Representatives.

Tiniyak din ni De Lima na hindi palulusutin ng DOJ si Bigcas at inilalatag na ng kagawaran at ng Bureau of Customs (BOC) ang maaaring ikaso laban kay Bigcas.

Pinag-aaralan din kung makatutulong sa imbestigasyon ang tinaguriang “black book” o diary na pag-aari ng negosyante kung saan nakasulat ang mga  pangalan ng malalaking personalidad, kabilang ang isang “Governor Jalosjos”, “Bullet Jalosjos”, isang “Colonel” at “Mayor Dimaporo”.

Iniulat din ng kalihim sa mga kongresista na hindi pa naipadadala sa Estados Unidos ang mga nakumpiskang shipment kay Bigcas at kasalukuyang nasa kustodiya pa rin ng BOC-Cagayan de Oro habang pinorproseso pa ang mga dokumento.

Ipinaliwanag din ni De Lima kung bakit search warrant lamang para sa mga armas ang ini-apply ng National Bureau of Investigation (NBI) sa korte kahit may kumpirmasyon ang Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos na nasa kustodiya ni Bigcas ang smuggled luxury vehicles at motorbikes.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply