Biking, regular na ehersisyo na ni PNoy

MAGIGING regular na ang pagbibisikleta ni Pangulong Benigno Aquino III bilang kanyang ehersisyo matapos pangunahan ang inilunsad na proyekto ng Department of Health (DOH) na “Ehersisyo Pangkalusugan Para sa Lahat 2011” sa Quezon City Memorial Circle (QCMC).

Kasama ang kanyang mga Gabinete, sakay ng kanyang bagong bisikleta ay umikot-ikot sa QCMC si Pangulong Aquino kaugnay na rin sa mga public fitness and sports activity na inilatag sa naturang programa.

Sa kanyang pagtatalumpati, hinimok ng Pangulo ang sambayanang Pilipino na makiisa at gawing bahagi ng kanilang pamumuhay ang araw-araw na pag-ehersisyo para makaiwas na rin sa mga tinatawag na non-communicable diseases (NCDs) na pangunahing sanhis ng kamatayan sa bansa, na nakasaad sa datos ng DOH.

Ayon pa sa Chief Executive, ang hindi balanseng pagkain o diyeta at kakulangan ng physical fitness activities ang pangunahing sanhi ng NCDs na kinabibilangan ng diabetes, hypertension at iba pang cardiovascular diseases.

“Maraming Pilipino ang nalalagay sa peligro sa kalusugan dahil sa non-communicable diseases,” deklara ni Pangulong Aquino.

Magugunita na nitong pagpasok ng 2011 ay kabilang sa New Year’s Resolution ng Punong Ehekutibo ang pagsasagawa ng mga ehersisyo tulad ng pagbibisikleta sa palibot ng PSG Compound, kung saan siya kasalukuyang naninirahan sa Bahay Pangarap.

Umani rin ng batikos mula sa ilang sektor ang paninigarilyo at pagkahilig sa computer games at billiards ni Pangulong Aquino.

Tiniyak naman ni Communications Secretary Ricky Carandang na magiging bahagi na ng physical fitness program ng Pangulo ang pagbibisikleta upang makasiguro na mananatiling fit ang kalusugan ng lider ng bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply