Biktima na iniwang patay sa wheelchair nakilala na

 

KILALA na ng mga awtoridad ang isang lalakeng naka-wheelchair na pinatay at itinapon sa isang bakanteng lote kamakailan sa Barangay Potrero, Malabon City.

Sa ulat ni Sr. Supt. Cornelio Barrios, hepe ng Malabon police, kay Chief Supt. Antonio Decano, director ng Northern Police District (NPD), ang biktima ay nakilalang si Diego Veron y Marigsa, 76, ng Barangay Maysan, Valenzuela City.

Nabatid din na ang biktima ay isang manggagawa ng Kemweel Corporation na matatagpuan sa Caingin, Quezon City.

Ayon sa anak ng biktima na si Joy Rafael y Sugnuit, 27, ng Barangay Maysan, huli nilang nakita ang kanilang tatay noong May 8, ganap na alas-5:30 ng hapon para pumasok sa kanyang trabaho.

Mula noon ay hindi na ito nakauwi pa sa kanilang bahay at nabalitaan na lamang sa mga pahayagan, partikular sa Remate, na isang hindi pa nakikilalang bangkay ang natagpuan.

Dahil dito agad nilang pinuntahan ang Malabon police at siya nga ang hinahanap nilang nawawalang tatay.

Matatandaan na ang biktima ay natagpuan na walang buhay habang nakaupo sa wheelchair sa isang bakanteng lote sa pagitan ng 967 Disco Pub at ng Outlast Battery shop sa kahabaan ng MacArthur Highway, Potrero, Malabon City.

Sumisigaw ng katarungan ang mga kamag-anakan ng biktima kung kaya’t humiling ito ng isang masusing imbestigasyon para sa ikakalutas ng kasong pagpatay.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply