Bilang ng mga walang trabaho lalong lumolobo

NAGBABALA ngayon, Miyerkules, si House Minority Floor Leader Edcel Lagman dahil mas dumadami ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas, ayon sa huling SWS survey.

Ani Lagman, 11.3 milyon na ang walang trabaho o 27.2% ng mga Filipino na may edad 18 pataas ang walang trabaho.

Hindi umano kataka-takang naghihirap ang karamihan sa mga Pinoy.

Ani Lagman, principal author ng RH Bill, dapat maalarma ang gobyerno sa nangyayaring ito.

Kung dadami pa ang populasyon ay wala nang maipakakain sa kanila, lalo pa at walang trabaho ang kanilang mga magulang.

Ipinaliwanag ng solon na batay sa pagsusuring isinagawa nina economist Ernesto Pernia at Aniceto Orbeta, ang mabilis na paglago ng populasyon ay nakapagpaparami ng trabaho ngunit nakapagpapaliit naman ng sweldo o mas malala, nawawalan na ng trabaho.

Nawawalan na rin umano ng pagkakataon na makapaghanap ng matinong trabaho ang mga trabahador dahil napipilitan silang tanggapin ang kahit na anong trabaho dahil sa matinding pangangailangan sa pera.

Ayon naman sa World Bank, lumiliit ang halaga ng sweldo dahil sa mabilis na paglago ng populasyon.

Nangangahulugan umano ito na ang mga bansang may mataas o malaking populasyon ay siyang pinakamahirap na bansa sa mundo.

Binigyang-diin din niya na ang RH Bill ay health oriented at development-driven na tutulong hindi lamang sa kababaihan at mga bata kundi sa lahat na.

Tutulong din umano ito sa mag-asawa upang huwag magsunud-sunod ang mga anak.

Sa ganitong paraan, makatutulong umano ang RH bill upang masugpo ang kahirapan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply