Bilyong anomalya sa PCGG nalantad

BUKOD sa maling pamamahala sa nabawing coconut levy fund na pag-aari ng magniniyog na ikinalugi ng pamahalaan, bilyon pang anomalya ang natuklasan ng Senado kabilang ang kuwestiyonableng pagbebenta ng nabawing yaman na nadehado ang Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Partikular na tinukoy ni Senate President Juan Ponce Enrile na responsible sa pagkalugi ng pamahalaan si dating PCGG chairman Camilo Sabio tulad ng maling pamamahala sa nabawing yaman at pondo sa Coconut Industry Investment Fund Oil Mill Group at United Coconut Planters Bank sa panahon ng panunungkulan nito simula 2005.

Gamit ang opisyal na ulat na isinumite ni PCGG chairman Juan Andres Bautista, sinabi ni Enrile na marami ang dapat ipaliwanag ni Sabio kabilang ang maanomalyang joint venture property agreement na pinasok ng ahensiya sa RII Builders at Primestate sa Capitol Hill, Diliman Quezon at pagbebenta ng 12.3 ektarkyang prime property sa Pasig City na kung saan ibinulsa ng isang komisyunado ang halagang P20 milyon.

Ayon kay Bautista, hindi tumutol ang PCGG sa ilalim ng pamumuno ni Sabio noong 2010 nang ibenta ng ahensiya ang 3.6 ektaryang residential property ng IBC13 sa Broadcast City na binawi ng pamahalaan noong 1986 dahil naibenta ang ari-arian nang mas mababa sa tunay na halagang P364 milyon o lumalabas na P9,999.99 lamang ang presyo kada metro kuwadrado.

Sinabi pa ni Bautista na kung maayos ang halaga ng bentahan, maililigtas sana nito ang naluluging kompanya ng telebisyon na siyang magpapatingkad sa halaga ng IBC13 at maiaayos ang usaping pinansiyal nito.

“There are indeed a number of red flags to be raised in the JVA, this may not reflect the true fair market value and (the) valuation was not submitted to COA’s Technical Services Office for review,” giit ni Bautista sa komite na nag-iimbestiga sa anomalya.

Isa pang kuwestiyonableng  pangyayari sa PCGG ang leased-purchase agreement na pinasok ng PCGG sa Consolidated Prime Development Corporation hinggil sa 12.3 ektaryang prime lot sa Pasig City.

Ayon kay Bautista na noong Disyembre 11, 2009, pumaloob ang PCGG sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pamamagitan ni Commissioner Peter Sabido, sa PIMECO, orihinal na nagmamay-ari sa ari-arian, at MPCP, isang kompanya ng GSIS, at CPDC na naunang may interes sa PIMECO dahil sa Pasig property.

Sa huli, ayon kay Bautista, ibinulsa ni Sabido ang P20 milyon na dapat bahagi ng kita ng pamahalaan sa naturang ari-arian na bukod pa sa P89 milyon na kasunduan na ibinigay sa PCGG bilang konsiderasyon sa pagpayag ng ahensiya sa naturang compromise agreement.

Tanong ng PCGG sa ulat na isinumite sa Senado – “Why did PCGG (in 2009) enter into the MOA and allowed Sabido to gain P20,000,000.00 if his shares in PIMECO are fruits of ill-gotten wealth, from Trader’s Royal Bank funds, to begin with? Why enter into the MOA when we had the advantage in the rescission case filed by MPCP-GSIS? Was the MOA really the best course of action in the face of the foregoing assertions?”

Tinukoy pa ng PCGG report ang paglulustay ni Sabio sa kaban ng bayan nang kumalap ito ng 6 na pribadong abogado, 41 consultants at 85 office based personnel na binabayaran ng PCGG sa panahon nang panunungkulan nito.

Noong Marso 30, 2010, lumagda din si Sabio sa isang retainer agreement sa kanyang bayaw na si Donald A. O’Buckley upang magsilbing consultan ng PCGG na may kabuuang bayarin na $708,602.40 simula noong Nobyembre 2008.

Sinisingil din ni Sabio ang PCGG para sa 1,900 pahayagan kada buwan o 61 pahayagan kada araw sa loob ng kanyang termino base sa opisyal na records na simula January 1, 2010 hanggang August 31, 2010, gumastos ng PCGG ng P278,634.35 bilang pambayad ng subscription sa pahayagan.

Umutang din umano si Sabio sa UCPB Leasing and Finance Corporation ng kabuuang halagang P12 milyon upang ipambili ng 11 sasakyan para sa gamit opisyal. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply