Brillantes maayos na; di tiyak kung kailan babalik

MAAYOS na ang kalagayan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. matapos itong himatayin sa loob ng kanyang tanggapan sa Intramuros, Maynila nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa mga doktor ng ospital na pinagdalhan sa kanya.

Hindi pa tiyak kung kailan makalalabas ng pagamutan si Brillantes dahil sasailalim pa ito iba’t ibang pagsusuri upang matukoy ang tunay na dahilan ng kanyang pagkahimatay.

Unang dinala si Brillantes sa Manila Doctor’s Hospital ngunit inilipat din ito sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City dakong 9:30 ng gabi dahil nandoon ang kanyang personal na doktor.

Ayon sa isang cardiologist na nagsuri kay Brillantes sa Manila Doctors Hospital, maayos ang lahat ng vital signs ng Comelec chairman matapos itong lagyan siya ng dextrose.

Gayunman, kakailanganin pa umano nitong sumailalim sa colonoscopy, isang internal examination sa colon o large intestine at sa rectum, at gastroenterology workup, na diagnosis naman sa mga disorder sa digestive system.

Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, sumakit ang tiyan ni Brillantes bago ito nanghina at himatayin.

Posible umanong gastrointestinal-related ang sakit nito, ayon sa mga doktor.

Kinakailangan rin umanong magpahinga muna ni Brillantes, na ibig sanang agad magtrabaho oras na makalabas sa pagamutan.

Tiniyak naman ni Jimenez na walang importanteng trabaho sa Comelec na maaantala dahil sa naganap kay Brillantes dahil kumpleto ang mga commissioner ng poll body.

“Over the weekend ay makapagpapahinga naman si Chairman,” aniya.

Si Brillantes ay naupo bilang chairman ng poll body noong Enero matapos magbitiw si dating Comelec Chairman Jose Melo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply