Cha-Cha ng Kamara ‘di sasayawan ng Palasyo

DUMISTANSIYA at ayaw sayawan ng Malakanyang ang isinusulong ng ilang kongresista na muling buhayin ang isyu ng Charter Change (Cha-Cha) o pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng mga konsultasyon sa bansa na pasisimulan ng mga mambabatas sa Mayo 27.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang posibilidad na pag-amyenda sa Konstitusyon dahil ang pokus ng pamahalaan ay maisulong ang mga programang pang-mahirap.

“Hindi priority ng Palasyo ang Cha-cha at this point. Ating nakikita na dapat mag-concentrate tayo sa mga problema and giving solution to those problems,” deklara ni Valte.

Ito ay kaugnay sa posisyon ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na napapanahon na ang pag-amyenda sa nilalaman ng 1987 Constitution na niratipikahan pa sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Anang mambabatas, magsasagawa ang Kamara de Representantes ng unang konsultasyon sa publiko sa Mayo 27 upang makuha ang pulso ng taongbayan kaugnay na rin sa isyu ng Cha-Cha.

“We in the Lower House strongly believe it is high time to amend the Constitution,” saad sa artikulo na sinulat ni Rodriguez sa Catholic News Philippines (CBCP) website.

Ayon pa sa mambabatas, si House Committee on Constitutional Amendments Chairman Misamis Occidental Rep. Loreto Leo Ocampos ang mangunguna sa pagdaraos ng naturang konsultasyon na gaganapin sa Mindanao University of Science and Technology (MUST) Gymnasium.

Ang naturang hakbang ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay upang maibenta sa mamamayan ang pagsabay sa tugtog ng Cha-Cha at suportahan ang pagbubuo ng Constitutional Convention (Con-Con) na siyang gagamitin upang talakayin ang mga probisyon na dapat amyendahan sa kasalukuyang Saligang Batas ng Pilipinas. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply