‘Chedeng’ sinlakas ng bagyong Ondoy

SINLAKAS at sindami ang ulang dala ng bagyong “Ondoy” (Ketsana) noon at ng paparating na bagyong “Chedeng” (Songda).

Ito ang naging babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa at Department of Science and Technology (DOST), malaki ang posibilidad na makapaminsala rin ang nasabing bagyo katulad ng Ondoy sa Luzon at Visayas dalawang taon na ang nakakaraan.

Ayon kay Science and Technology Usec. Graciano Yumul, sobrang malawak ang sakop ng bagyong Chedeng na kung saan umaabot sa 600 kilometers in diameter ang kaulapan.

Mas matindi pa umano ang magiging epekto nito kung sasanib ang pwersa ng ulang dala ng hanging habagat sa bagyong Chedeng.

Kahit umano hindi direktang tatamaan ang Metro Manila ng bagyong Chedeng, hahatakin naman nito ang hanging habagat kaya uulan din ng malakas sa ka-Maynilaan.

Kasalukuyang nakataas na rin ang public storm signal number one sa mga lugar ng Catanduanes, Sorsogon, Northern at Eastern Samar.

Inaasahang lalo pang lalakas ang bagyo habang nasa karagatan at mararamdaman na sa bansa Miyerkules ng umaga.

Mapaaaga umano ang landfall nito sa bansa at magiging Huwebes na sa halip na Biyernes.

Sa Miyerkules ng umaga, inaasahan ang bagyong Chedeng na nasa 330 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes, sa layong 210 kilometers east ng Southern Casiguran, Aurora.

Sa Biyernes naman, inaasahang nasa layong 70 kilometro hilaga ng Aparri, Cagayan na ang bagyong Chedeng.

Unang tatamaan ang Cagayan at Isabela matapos na bumilis ang usad nito sa 17 kilometro bawat oras.

Matindi naman umano ang magiging tama ng bagyo sa Bicol region. Tatamaan din umano ang Visayas at Mindanao dahil sa hanging habagat.

Ayon pa sa Pagasa, huling namataan ang bagyo sa layong 540 kilometro silangan ng Borongan, Eastern Samar.

Taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 105 kilometers per hour (kph) at pagbugso na aabot sa 135kph.

Nagbabala na rin ang Pagasa na mapanganib ang mangisda at delikadong pumalaot ang mga maliliit na sasakyang pandagat.

Iwasan na rin muna umano ang paglalayag sa karagatan, lalo na sa silangang bahagi ng bansa na apektado ng bagyo.

Kailangan umanong paghandaan ang matinding pagbuhos ng ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil kung hindi man makaabot ang mata ng bagyo sa nasabing mga lugar ay uulan pa rin ng malakas.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply