Clean-up sa Manila Bay pinatitigil sa SC

NAGPASAKLOLO na kay Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona ang mga miyembro ng iba’t ibang militanteng grupo upang ipatigil ang paglilinis sa kahabaaan ng Manila Bay hanggang sa Laguna de Bay dahil napeperwisyo ang mga mangingisda at mga residente sa paligid ng dalawang lugar na nabanggit.

Sa kanilang limang-pahinang liham na isinumite sa tanggapan ng Punong Mahistrado, iginiit ng   Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), Save Laguna Lake Movement (SLLM), Anakpawis party-list group at Alyansa ng Mga Magdaragat ng Bacoor, Cavite Inc. na pag-ingatan ang pagpapatupad ng desisyon kaugnay sa paglilinis ng Manila Bay at Laguna Lake.

Isinumbong nila na ginagamit ng mga ahensiya ng gobyerno na naatasang maglinis sa dalawang lawa ang desisyon ng SC upang ma-demolish ang kanilang kabuhayan at mga tirahan sa paligid ng lawa, Ilog Pasig at sa coastal communities, na nakapaikot sa 94,000-ektaryang katubigan sa Laguna Lake.

“Manila Bay is absolutely nothing without the fisherfolk and the people. These vast human resources are principal to and integral part of Manila Bay’s life and survival,” sabi pa sa liham.

Pinupuri rin nila ang Korte Suprema sa layunin na maibalik ang nasirang kaayusan ng Manila Bay, ngunit ginagamit naman anila ng mga ahensiya ng gobyerno ang desisyon ng SC upang matanggal ang mga maliliit na mangingisda, habang binibigyang pagkakataon ang mga malalaking negosyo na magpakasasa sa mga naturang lawa.

Iginiit ng mga mamamalakaya na hindi sila ang dahilan ng pagkasira ng kapaligiran ng Manila Bay, Laguna Lake, Pasig River at iba pang lawa sa paligid ng National Capital Region hanggang sa Central Luzon, kundi ang mga malalaking negosyante na walang habas na nagtatapon ng kanilang mga basura sa katubigan ng bansa.

Kung meron anilang dapat na sisihin at parusahan sa pagkasira at pagkarumi ng mga naturang lawa at ilog, ito ay ang mga pabrika, mga nagtatayo ng malalaking gusali at mga nagsasagawa ng reklamasyon sa lugar na ginagamit na economic zone.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply