Ting-Ting tablado kay PNoy

TABLADO sa Malakanyang ang tiyahin ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na si Margarita “Ting-Ting” Cojuangco sa patuloy na pagsusulong sa pagpapaliban sa nakatakdang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) election.

Sa ambush interview kay Pangulong Aquino, binigyan-diin nito na matibay pa rin ang kanyang paninindigan na mailulusot sa Kongreso ang kanyang sinertipikahan na priority bill na pagpapaliban ang naturang halalan sa ARMM.

Aniya, hindi naman tama na habang sinusuportahan niya ang postponement ng ARMM polls ay maglabas naman ang administrasyon ng mga pangalan na mamanukin sa naturang halalan sa ilang bahagi sa Mindanao.

“Paano kami magwo-work on the postponement and to have candidate at the same time? Parang medyo illogical yata yun,” deklara ng Pangulo sa mga mamamahayag.

Si Cojuangco na asawa ng tiyuhin ng Pangulo na si Philippine Olympic Committee (POC) President Jose “Peping” Cojuangco at dating gobernadora sa lalawigan ng Tarlac ay nagsumite na ng kaniyang kandidatura bilang vice governor ng ARMM.

Magugunita na sinertipikahan ni Pangulong Aquino bilang “urgent” ang panukalang batas na mag-uutos na ipagpaliban ang nakatakdang eleksyon at isabay na lamang ito sa midterm elections sa taong 2013.

Anang Punong Ehekutibo, buo pa rin ang kanyang kumpiyansa na makalulusot ang naturang panukala hindi lamang sa Kamara de Representantes kundi maging sa Senado.

“Our goal is still to synchronize the ARMM polls to the 2013 midterm polls,” diin pa ni Pangulong Aquino.

Si Cojuangco ay nagbitiw naman sa kanyang puwesto bilang pinuno ng Philippine Public Safety College nitong nakalipas na buwan upang tumakbo sa ARMM elections. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply