Color protest, national day of prayer vs rh bill

INILARGA ngayong Lunes, Mayo 9, ng Simbahang Katoliko ang color protest at national day of prayer upang ipakita ang mariin nilang pagtutol sa Reproductive Health bill na isinusulong ng pamahalaan.

Nagsuot ng kulay asul at puti ang iba’t ibang lider ng simbahan na nagpapakita ng pagkakaisa para sa mariing pagtutol sa naturang panukalang batas.

Pinasimulan ang color protest ng Coalition on Family and Life at ni Cotobato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo, upang ipakita sa publiko na marami ang nagkakaisa sa RH bill.

Ipinaliwanag ni Bagaforo na ang kulay asul ay kumakatawan kay Mama Mary, habang ang puti naman ay simbolo ng kasagraduhan ng buhay o “purity of life”.

Kasabay nito ang paglulunsad din kahapon ng “text brigade” hinggil sa pagdaraos ng “national day of prayer,” sama-samang panalangin at pagtitiwala sa Diyos hinggil sa masidhing pagtutol sa RH bill.

Sinabi ng Obispo, isang paraan ang pag-aalay ng pagrorosaryo para sa  sama-samang intensiyon na huwag maipasa sa Kongreso ang kontrobersiyal na panukala.

“This will manifest our unity. To show to everybody na ang lahat ng sektor ng lipunan ay tutol sa gagawing batas. Opportunity din ito for us as one nation, one voice in prayer,” pahayag ni Bagaforo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nagsasagawa rin kahapon ng National Day of Prayer and Protest ang Diocese ng Butuan para tutulan ang pagsasabatas ng nasabing panukala.

Nanawagan rin naman si Lipa Archbishop Ramon Arguelles, vice-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life sa lahat nang sumusunod sa Mahal na Birheng Maria na ipagdasal natin ng sama-sama ang mga Kongresista na maging tapat sa Panginoon.

Hinihikayat ng arsobispo ang lahat ng mananampalataya  at magsagawa ng regular na pagrorosaryo hanggang sa tuluyan nang maibasura ang RH bill.

“I-alay natin ang pagdarasal ng rosary sa mga kongresista, senador at kay Pangulong Aquino na malinawagan ang kanilang pag-iisip at pahalagahan ang buhay,”  wika ni Arguelles.

Tiniyak naman ni Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na linggu-linggo silang magsasagawa ng special prayer para sa mga kongresista para haplusin ang kanilang mga puso upang pahalagahan ang buhay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply