Condom ginawang parang shabu!

TALAGANG pursigido ang mga opisyales ng Ayala Alabang village sa Muntinlupa na maipasa ang kanilang panukalang batas na nagbabawal sa mga drug stores sa kanilang lugar na mag-benta ng condom at iba pang uri ng contraceptives.

Ibang klase talaga ang mayayamang ito, masiyado silang mga spoiled!

Palibhasa nasanay sila na nasusunod lahat ang gusto nila ay hindi nila matanggap na mabibigo sila sa kanilang panukala kaya ginagawa nila ang lahat para maisulong ito.

Pagkatapos na mabaril ang una nilang panukala na total ban sa pagbebenta ng condom at iba pang contraceptives sa kanilang lungsod, ay medyo binago nila ng bahagya ang proposal.

Sa halip na total ban ay nilagyan na lang nila ng age limit ang sinumang bibili ng contraceptives at hindi maaring pagbentahan ang sinuman na wala pang 18 years old.

Pero ang siste ay nanatili pa din ang probisyon na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga nasabing gamot sa lahat mga drug stores sa kanilang lungsod.

Matindi talaga ang mga mayayamang ito. Kasi nga ginawa na nilang parang iligal na droga gaya ng shabu at marijuana ang mga dapat ay over the counter lang na condom at iba pang contraceptives.

Sa mga hindi pa nakakaalam ang pinag-ugatan ng isyung ito ay ang January 3 ,2011 ordinance na kanilang ginawa para umano “bigyang proteksyon ang lahat ng mga hindi pa ipinanganganak na sanggol sa kanilang lugar”.

Masyadong kontrobersyal ang “Unborn Child Ordinance of 2011” na ito subalit hindi naman lahat ng mga residente sa lugar na iyon ay sang-ayon dito.

Ang ilan pa ngang mga prominenteng residente gaya nina Lea Salonga, dating Health Secretary Esperanza Cabral at iba pa ay nagdaos pa ng rally para ipahayag ang kanilang pagtutol sa ordinansa.

Para sa akin ay hindi tama ang ordinansang ito na gusto na ding ipatupad ng mga mayayamang ito sa buong lungsod ng Muntinlupa.

Walang karapatan ang sinuman kahit mayaman ka pa na ipagpilitan ang paniniwala mo para sundin at isabuhay din ng iba lalo na kung may kaugnayan ito sa responsible parenthood.

Mabuti ang mayayaman dahil wala silang problema sa pera. Eh paano naman ang mga mahihirap
na isang kahig , isang tuka na hindi malaman kung saan kukuha ng susunod nilang kakainin?

Maliwanag ang mensahe ng mga mayayaman na nagsusulong ng ban sa condom at contraceptives na sinusuportahan nila ang gusto ng Simbahang Katoliko kung kaya at ipinagpipilitan nila ang kanilang gusto.

Sa huli ay dapat bigyan ng kalayaan ang sino man na mamili kung ano ang gusto niyang gawin para mapaghandaan ang kinabukasan ng kanilang pamilya at hindi ito dapat idikta ng kahit na sino man.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply