Dating mambabatas, bagong opisyal sa BI

NAKATAKDANG magsimula sa kanyang tungkulin sa Lunes, Mayo 23, bilang bagong associate commissioner ng Bureau of Immigration (BI) si dating Lanao del Norte representative Abdullah Mangotara.

Ayon kay BI Spokesperson Maria Antonette Bucasas-Mangrobang, inaasahan na magbibigay ng kanyang talumpati si Mangotara sa isasagawang flag-raising ceremony ng kawanihan sa punong tanggapan nito sa Intramuros, Maynila.

Si Mangotara, 58, ay hinirang ni Pangulong Benigno Aquino III noong Mayo 12 at nanumpa sa kanyang bagong tungkulin sa harap ni Justice Secretary Leila de Lima noong Mayo 17.

Dalawang termino rin itong nagsilbi bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Lanao del Norte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong 1998 at 2001.

Inaasahan na ang kakayahan ni Mangotara bilang isang mambabatas at batikang abugado ay makakatulong sa kawanihan upang maisulong ang pagsasabatas ng bagong Philippine Immigration Act.

Sa pag-upo nito bilang associate commissioner, pupunan ni Mangotara ang isa sa dalawang upuan na nakalaan para sa nasabing posisyon mula nang mabakante ito noong nakalipas na Nobyembre.

Uupo rin si Mangotara bilang kasapi sa tatlong kataong BI Board of Commissioners, ang lupon na dumidinig sa kasong deportasyon at aplikasyon sa bisa ng mga dayuhang nais manirahan sa Pilipinas.

Ikinagalak naman ni BI Commissioner Ricardo David, Jr. ang paghirang kay Mangotara at naniniwala siya na ang karanasan at kapasidad ng dating mambabatas ay makakatulong ng malaki sa kawanihan upang makapagbalangkas ng mga patakaran at programa na magsusulong sa Pilipinas bilang kaibigan ng mga dayuhang negosyante at turista. Freddie Cortez

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply