De Lima binalaan ni Chiz sa Leviste fiasco

BINALAAN ni Sen. Francis Joseph “Chiz” Escudero si Justice Secretary Leila de Lima na dapat may ulong gugulong sa nabulgar na paglabas-pasok ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste kahit walang court order.

Sa panayam, sinabi ni Escudero na walang balak ang Senate committee on justice and human rights na imbestigahan ang special treatment na ibinigay kay Leviste ng mga opisyal ng Bureau of Corrections (Bucor) sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

“Dapat tiyakin ni Sec. de Lima na may ulong gugulong sa pagbibigay ng VIP treatment kay Leviste at sa iba pang high profile prisoner at convicted drug lords,” ayon kay Escudero.

Sinabi ni Escudero na hindi maaaring  ang jailguard lamang ang maparusahan dahil hindi naman niya kayang magpalabas ng preso sa kulungan kung walang kasabwat na mataas na opisyal ng NBP o Bureau of Corrections (BuCor)

“Baka mamaya ang sinasabi niya’ng heads will roll yung jailguard lang.  eh imposible namang magkaroon ng lakas ng loob yung jailguard na on its own at his level lang gagawin niya yun? Malamang na may basbas  o clearance sa mas mataas na opisyal. Ang tanong lang hanggang kay (BuCor Director (Ernesto) Diokno ba o hindi?” giit ni Escudero.

Ayon kay Escudero, hindi na kailangan pang imbestigahan ng Senado ang naturang Leviste fiasco dahil may isinasagawa nang imbestigasyon ang fact finding body na binuo ng Department of Justice sa paglabas-pasok sa kulungan ni Leviste.

Naunang hiniling ni Sen. Gregorio Honasan sa Senate committee on justice na magsagawa ng parallel investigation hinggil sa special treatment na tinatamasa ng mga bigating preso sa Bilibid.

“Ang prinsipyo ko dyan, pag ginagawa naman ng ahensiya ng gobyerno yung trabaho nila, hindi na kailangang pakialaman ng Senado,”paliwanag pa ni Escudero sa pagtanggi sa kahilingan ni Honasan.

Nahuli si Leviste ng operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa parking lot ng kanyang gusali sa Makati City nitong Miyerkules. Isinagawa ang operasyon dahil sa natanggap na ulat ni Secretary de Lima na nakakalabas ng kulungan si Leviste kahit na walang court order.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply