Dioko muling ipatatawag ni PNoy

MULING ipatatawag ni Pangulong Benigno Aquino III si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Ernesto Diokno matapos matanggap ang rekomendasyon ng binuong panel ng Department of Justice (DOJ) na nag-imbestiga sa “VIP Treatment” sa malayang palabas-pasok ng New Bilibid Prison (NBP) ni dating Batangas Governor Antonio Leviste.

Sa ambush interview sa loob ng Palasyo, kinumpirma ni PNoy na muli niyang kakausapin ang kasalukuyang nakabakasyon na hepe ng BuCor subalit hahanapan pa ito na maisingit sa kanyang mga schedule.

“I’m meeting him… I’m not sure exactly when I’ll be meeting Director Diokno,” ani Pangulong Aquino matapos na pangunahan ang paglulunsad sa United Nations Decade on Biodiversity 2011-2010 sa Malakanyang.

Nauna nang ipinatawag ng Chief Executive si Diokno sa Palasyo dalawang linggo na ang nakalilipas matapos malantad sa publiko ang makailang ulit na paglabas ng walang pahintulot ni Leviste sa kanyang piitan.

Dito ay hindi napigil ni Pangulong Aquino na ihayag ang kanyang pagkadismaya sa naturang pangyayari na nagbigay-daan naman sa pagsusumite ni Diokno ng pansamantalang pagbabakasyon sa kanyang puwesto.

Sa pagharap naman ni Diokno sa DOJ panel inquiry, binigyan-diin naman nito na hindi siya ang dapat sisihin sa nadiskubreng ilegal na aktibidades ni Leviste dahil sa pagbubuo lamang ng polisiya sa mga piitan sa bansa ang kanyang trabaho.

Si Leviste ay nahatulan noong 2009 sa kasong homicide sa pagpatay sa kaibigan nito na si Rafael de las Alas sa loob ng kanyang tanggapan sa Makati ay nahaharap naman sa kasong evasion of service of sentence sanhi ng nabukong ilang beses na pagpuslit palabas ng pambansang piitan.

Kaugnay nito, tumanggi naman sagutin ni Pangulong Aquino ang ulat na masisibak sa puwesto si BOC Commissioner Angelito Alvarez sa buwan ng Hulyo.

Aminado naman ang Punong Ehekutibo sa mga tinanggap na alegasyon laban kay Alvarez kung kaya katulad ng ibang miyembro ng kanyang gabinete ay pinag-aaralan niya kung epektibo ito sa kanyang posisyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply