DOE maglalabas pa ng ‘smart cards’

PATULOY ang Department of Energy (DOE) sa paglalabas ng mga “smart cards” bilang tulong sa mga tsuper at operators ng public utility jeepney (PUJ), partikular sa gastos sa pagbili ng gasolina.

Ang smart card na kilala rin sa “Pantawid Pasada Program” o public assistance transport program ay sinimulang ikalat ng DOE noong nakaraang linggo at patuloy na ipinamamahagi sa mga pampasaherong sasakyan.

Sinabi ni presidential deputy spokesperson Abigail Valte na layunin ng Palasyo na luwagan ang epekto ng pandaigdigang pagtaas sa gastos sa gasolina sa mga pampublikong sektor ng transportasyon at pati na rin sa mga pasahero nito.

Inilahad din ni Valte ang mga petsa ng pamamahagi at ang tiyak na grupo ng transportasyon na makatatanggap ng smart cards.

Ang unang batch na tumanggap ng kanilang smart cards ay yaong nagpapabalik-balik sa mga ruta ng Kalentong, Kamagong, Kamuning, Karuhatan, Katipunan, Kawit, Kayamanan-C, Kaybiga, L. Guinto, Lagro, Lardizabal, Lealtad, Libertad, Likaw-Likaw, Litex at Malabon, noong Mayo 13.

Makatatanggap ngayon, Lunes, ng smart cards ang mga grupo ng mga pampublikong sasakyang may ruta sa Malabon, Malanday, Malinta, Mambugan, Marcos Avenue, Marikina, MCU, Meycauayan, Molina, at Montalban.

Nakatakda ring makakuha ng kanilang cards bukas, Mayo 17, ang mga may rutang Monumento, Multinational Village, Muños, L. Guinto, Murphy, Napindan, Napocor, NIA Village, Navotas, Nichols, North Harbor, Norzagaray POP, Novaliches, Padre Faura, San Andres, Pabahay 2000, Muzon, SJDM, Pabahay ni Erap, Rodriguez, Rizal, Batasan, Commonwealth, Pacita Complex, San Pedro, Laguna, Sucat, at Paco.

Mag-uumpisa ang pamamahagi ng smart cards ng ika-9 ng umaga at magtatapos sa ika-5 ng hapon sa Grandstand ng Camp Crame sa Quezon City.

Sinabi rin ni Valte na ang mga makakakuha ng smart cards bago ang Mayo 31 ay may pribilehiyong mapakinabangan ang diskwento sa daanan ng mga istasyon ng gasolina bukod sa P1,500 fuel assistance loaded at nakaimbak sa cards.

Ayon pa kay Valte, ang iskedyul ng paglalabas ng smart cards para sa mga tsuper ng tricycle at operators ay tutukuyin ng local government units (LGUs).

“Yung mga LGU po ang dapat mag-schedule para sa mga tricycle dahil sila po ang nagpa-facilitate ng franchise nila,” ani Valte.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply