Droga: Mula sa bilibid hanggang sa DOJ

ANO-ANO kaya, Suki, ang mga nilalaman ng ulat ng Department of Justice na isusumite kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III kaugnay ng mga anomalya sa National Bilibid Prisons?

Una, bukod sa kaso ni dating Batangas Governor Antonio Leviste na paglabas-labas sa kulungan, ano-ano pa  ba ang ibang mga krimen na nagaganap sa NBP?

Ikalawa, sino-sino ba ang mga sangkot sa mga anomalya?

Ikatlo, hanggang saan ang mga remedyo na gagawin ng pamahalaan laban sa mga anomalya?

oOo

Para sa atin, Suki, mahalaga talagang baguhin ang sistema na pagbibigay ng ispesyal na trato sa mga mayayaman at makapangyarihan  at binabalewala ang mga ma-hihirap at mahihina.

Pero gusto nating bigyan ng diin ang mga iniuulat sa atin ukol sa droga. Imposible kung tutuusin ngunit totoo pala na nakapagtatayo ang mga druglord na nakakulong diyan ng kanilang mga laboratoryo ng droga.

Paano nangyayari na makapasok sa loob ng Bilibid ang mga sangkap para sa shabu at iba pang droga? Paano nila naipakakalat sa loob ng Bilibid at paano nila nailalabas at naibebenta sa labas ang mga ito?

Hindi rin kapani-paniwala pero tinatayang bilyon-bilyong piso ang negosyong droga sa Bilibid. Kung mahigit 30 libong preso ang nasa kulungang yan at libo-libo ang gumagamit araw-araw at oras-oras ng droga, hindi nga imposibleng bilyon-bilyong piso ang umiikot diyan para lang sa krimen.

oOo

Ngayon ay pumunta tayo sa mga ulat na hindi lang sa Bilibid umiikot ang negosyong droga.

Umaabot umano ito mismo sa DOJ.

Sa anong anyo umaabot ang droga sa DOJ? Suhol ba sa mga piskal para mabigyan ng kalayaan at luwag ang mga druglord at pusher?

Kasama ba ang problemang droga sa mga ulat ng DOJ kay PNoy?

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply