‘Ehersisyo’ program ng DOH pangungunahan ni PNoy

PANGUNGUNAHAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang programa ng Department of Health (DOH) na “Ehersisyo Pangkalusugan Para sa Lahat 2011” na idaraos ngayong Linggo ng umaga sa Quezon City, upang mahikayat ang mga Pinoy na mag-ehersisyo.

Sisimulan ang aktibidad ng ika-5:30 hanggang ika-10 ng umaga sa Quezon City Memorial Circle (QCMC).

Inaasahang lalahukan ito ng mga kawani at mga opisyal mula sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, local government units, non-government organizations, government at mga pribadong ospital, medical professionals, iba’t ibang paaralan at iba pang pribadong indibiduwal.

Kabilang sa mga physical activities na isasagawa ay biking, running, jogging, walking, aerobics for kids, volleyball, badminton at Tai Chi.

Maglalagay rin ng booth ang DOH para maipaalam sa publiko ang mga kasalukuyang programang pangkalusugan ng pamahalaan.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, inilunsad nila ang aktibidad upang mahikayat ang mga mamamayan na ugaliing mag-ehersisyo.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang kawalan ng physical activity ay isang risk factor para sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit sa katawan, tulad ng cardiovascular disease, cancer at diabetes.

Lumitaw umano sa survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong 2003 hanggang 2008 na halos karamihan ng adult population ay may mababang lebel ng physical activity sa lahat ng bagay kasama na rito ang trabaho, pagsasaya at transportasyon.

Noong 2008, una ng iniulat ng World Health Organization (WHO) na tinatayang nasa 35 milyon sa buong mundo ang namamatay kada taon sanhi ng non-communicable diseases (NCDs).

Anim na porsiyento rito ay dahil sa apat na NCDs, kabilang na ang cardiovascular diseases, diabetes mellitus, chronic respiratory diseases, at cancers.

Sinabi ni Ona na maaari namang maiwasan ang mga nasabing sakit kung magiging aktibo lamang ang istilo ng pamumuhay.

 

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply