Embahada ng Pinas sa Tokyo ePassport application lang ang tatanggapin

TANGING ang aplikasyon lamang ng ePassport ang tatanggapin ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo simula Hunyo 1.

Ayon sa embahada, kinakailangang makatanggap ang aplikante sa kanilang email ng kumpirmasyon mula sa kanilang tanggapan kasama rito ang application number, petsa at oras ng kanilang personal na pagtungo sa Philippine Embassy.

“Only those with application numbers and confirmed schedules for personal appearance will be processed,” pahayag ng embahada.

Nilinaw pa sa pahayag na kung sakaling mabigong sumipot sa takdang oras at petsa ang aplikante ay kinakailangan siyang mag-apply muli para sa kanyang ePassport.

Dagdag pa sa paglilinaw ng tanggapan na hindi kabilang sa online ePassport request ang mga aplikanteng nawalan at nasira ang pasaporte.

Pinoy lamang na naninirahan sa Japan na nasasakop ng hurisdiksyon ng embahada sa Tokyo ang tanging bibigyan ng serbisyo ng Philippine Embassy.

Pinayuhan ng embahada na kinakailangang may internet access ang sinumang aplikante at may Microsoft Internet Explorer 6 o mas mataas pa; o Mozilla Firefox 3.5 o higit pa; at PDF reader tulad ng Adobe Reader o FoxIt Reader upang makapag-print ng application form.

Kinakailangan din ng aplikante ng valid na email address upang makatanggap ng system-generated messages na may file attachments at printer na may sukat na A4 na papel upang makapag-print ng sipi ng application forms.

Sa itinakdang oras ng personal na pagtungo sa embahada, kinakailangang dalhin ng aplikante ang mga kinakailangang dokumento at self-addressed LetterPack 500 envelope.

“There is no need to submit a passport photo as your photo will be captured live, along with your digital signature and fingerprints when you are called in the processing room,” ayon sa embahada.

Tinatayang aabot sa anim na linggo o 45 na araw bago makuha ang passport na ginawa at sinuri pa sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City.

 Ipadadala naman ng Passport Unit ng Embahada ng PIlipinas sa Tokyo ang bagong pasaporte ng aplikante na nakalagay sa LetterPack 500 envelope kung ito ay kanila ng matanggap mula sa DFA. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply