Escort service ng Koreano buwag sa CIDG

ISANG sindikato ng iligal na escort service na pinatatakbo ng isang Koreano at syota niyang Filipina ang nabuwag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ibinulgar ng Philippine National Police (PNP) ngayon, Martes.

Nilusob ng ma element ng Women and Children Protection Division (WCPD) ng CIDG Lunes ng gabi ang Little Orange Massage Service sa Hyatt Manila (Marina) Residential Suite sa Del Pilar St., Pedro Gil, Maynila.

Ayon kay CIDG Director Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr., limang suspek ang nasakote at sampung mga biktimang babae, dalawa sa kanila ay menor de edad, ang nailigtas sa nasabing raid.

Ang massage service ay pag-aari umano ng isang Koreanong kinilalang si Mihn Byong Kil at kanyang Filipina girlfriend na si Marian Andog Bagonoc, 25.

Sa kasamaang-palad ay nakapuslit si Kil, bagama’t naiwan at naaresto si Bagonoc ang mga gwardyang sina Petronilo Barin, Juan Carlo Endriga, Roberto Alburo at Carlito Yun.

Sinabi ni Pagdilao na ang Little Orange Massage Service ay prente lamang ng isang sindikato ng escort service na partikular na nagseserbisyo sa mga kostumer na karaniwan ay mga Koreano.

Ayon naman kay Supt. Emma M. Libunao, hepe ng CIDG-WCPD, ang escort service ay ina-advertise sa mga magasin sa Korea.

Idinagdag pa ni Libunao na tinatanggap nila Kil at Bagonoc ang mga tawag mula sa mga kliyenteng Koreano sa kanilang unit na 26-B in Hyatt Manila.

“Once an order-call was received from a Korean client, Bagonoc will arrange for a rendezvous between the client and the female escort at a particular hotel or inn where the ‘masseur’ performs extra service in the form of sexual services,” aniya.

Ibinulgar ni Libunao na matapos makausap ang isang kliyente, ipatatawa ni Bagonoc ang isang nagngangalang “Barin,” ang caretaker ng isang unit sa pangatlong palapag ng Villa Veronica Condo sa Taal St., Vito Cruz, Maynila, kung saan ikinukulong ang mga kababaihan.

Ipade-deliver naman ni Barin kay Endriga, ang drayber ng sindikato, ang isa sa mga biktima sa kliyente sa isang hotel o inn.

Ayon kay Libunao, karamihan  sa mga kabataang babae na nabibiktima ay mula sa mga probinsya sa Visayas.

Ayon pa sa opisyal ng CIDG, “pinauupahan” nina Kil at Bagonoc ang mga biktima ng P200 kada oras. Karaniwang kumikita ang dalawa ng P240,000 buwan-buwan.

Nabulgar umano ang iligal na operasyon nang magreklamo ang tatlong kababaihang nabiktima ng sindikato.

Anila, pinangakuan sila ni Bagonoc ng trabaho bilang masahista, ngunit hindi umano nila alam na masasadlak sila sa prostitusyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply