Four year freeze sa tuition fee ikinasa

NAIS ng isang senador na magkaroon ng apat na taong hindi paggalaw sa tuition fee sa buong bansa sa harap nang balita na maraming kolehiyo at unibersidad ang nakatakdang magtaas ng matrikula sa pasukan.

Ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, dating chairman ng Senate committee on education, malaking tulong ang maibibigay sa mga magulang ng 4-year freeze sa tuition fee dahil sa mapapaghandaan nila ang gastusin sa pagpapaaral ng anak.

“Kung taon-taon na lamang ay nagtataas ng matrikula at hindi naman umuunlad ang kabuhayan ng magulang, baka hindi na nila kayanin ang pagpapaaral sa kanilang anak at sa bandang huli ay maging bahagi ito ng datos ng tambay sa bansa,” ayon kay Cayetano.

Nais ng senador na kung ano ang rate ng tuition fee ng isang first year student, ganito rin dapat ang maging rate pagdating niya ng fourth year.

“Kung magkano ang tuition from first year hanggang 4th year at grumaduate di dapat nagbabago para makapag-plano at makaproduce ng tuition ang pamilya ng mag-aaral,” giit ng senador.

Kailangan tumulong din ang gobyerno upang hindi naman malugi ang mga private school.

“Government should have more scholarship funds or have a creative way of helping private schools,” paliwanag ni Cayetano.

Tutol naman si Cayetano sa cap sa tuition fee dahil tatamaan nito ang operasyon ng mga pribadong paaralan sa bansa at lalong makadagdag sa problema ng ‘brain drain’ o ang paglayas sa bansa ng mga propesyonal na mamamayan.

“Ang problema ng cap sa tuition baka maapektuhan ang quality ng education, mapirate sa abroad teachers at maiwan mga facilities,” babala ng senador.

Inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) nitong Biyernes na sa 2,000 pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa, 282 ang magtataas ng matrikula sa pasukan kung saan 70 dito ay sa Metro Manila.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply