Free cervical cancer screening ibibigay ng DOH

MAGBIBIGAY ng libreng cervical cancer screening sa kababaihang nagkakaedad ng 30-45 taong gulang ang Department of Health (DOH) bilang bahagi ng paggunita sa Cervical Cancer Awareness month ngayong Mayo.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ang nasabing screening ay libreng ibibigay sa may 58 accredited hospitals ng DOH.

Isasagawa minsan sa isang linggo sa buong buwan ng Mayo ang screening, batay na rin sa itatalagang araw sa bawat zonal areas.

Inilunsad ng DOH ang Cervical Cancer Awareness Month sa National Capital Region (NCR) nitong Mayo 2.

Inaasahang magkakaroon ng free cervical screening tuwing araw ng Lunes sa buong buwan ng Mayo, sa Jose Reyes Memorial Medical Center, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, East Avenue Medical Center, Tondo Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, Rizal Medical Center, Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center, Valenzuela General Hospital, San Lorenzo Ruiz Memorial Hospital, National Children’s Hospital at Jose Rodriguez Memorial Hospital.

Ang free cervical cancer screening naman sa mga Luzon DOH hospitals ay itinakda sa lahat ng araw ng Miyerkules habang Huwebes naman sa mga Visayas DOH hospitals at Martes naman sa mga Mindanao DOH hospitals.

Ayon kay Ona, tutugunan ng National Cervical Cancer Prevention and Control Program ang cervical cancer issue sa bansa sa tatlong iba’t ibang antas, kabilang ang primary, secondary at tertiary prevention.

Paliwanag ni Ona, ang primary prevention ay sangkot sa pagsusulong ng healthy lifestyle at pag-iwas sa mapanganib na sexual behavior; ang secondary prevention na kinabibilangan ng immediate screening at diagnosis para sa early detection ng sakit sa mga kababaihan na may kasamang pre-cancerous lesion at iba pang abnormalidad at ang tertiary prevention na tutugon naman sa mga concern hinggil sa immediate treatment, at kung possible ay para maiwasan ang pre-cancerous lesion na nade-develop sa invasive cancer.

Sinabi ng kalihim na sa kasalukuyan, ang cervical cancer ay pangalawa sa leading cancer sa mga kababaihan at ang siyam sa 10 kaso ay nagaganap sa mga developing countries.

Noong 2010, ang bilang ng mga babaing natukoy na may breast cancer ay umabot sa 12,262 habang umabot sa 1,984 ang may cervical cancer.

Ang highest incidence rate ng cervical cancer ay naobserbahan umano sa mga lungsod ng Maynila, Makati, Pasay, Pasig, at Taguig, habang ang lowest incidence rate naman ay nakita sa lalawigan ng Rizal.

Ayon kay Ona, kalimitang walang sintomas ang cervical cancer kaya’t kung madiskubre ito ay nasa stage 2 at 3 na.

Bunsod nito, pinayuhan ng kalihim ang mga kababaihan na ugaliing magpasuri upang kaagad na matukoy kung dinapuan sila ng sakit at upang maagapan ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply