Garcia hindi pa lusot sa plunder case

NAKATITIYAK ang ilang senador na hindi pa makalulusot si dating AFP comptroller Major Gen. Carlos Garcia sa kasong plunder kahit inaprubahan ng Sandiganbayan ang plea bargaining agreement na pinasok ng dating Ombudsman.

Sa magkakahiwalay na panayam, inihayag nina Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada at Sen. Antonio Trillanes IV na hindi sila nababahala sa naging desisyon ng Sandiganbayan dahil may kinakaharap pa itong plunder case na isinampa ni whistleblower at dating AFP budget officer George Rabusa.

“Hindi pa siya lusot diyan, may plunder case pang finile si Rabusa,”babala ni Estrada kay Garcia.

“Hindi po kasi mayroon bagong plunder na kinakaharap si Gen. Garcia so kung nakalusot man siya sa una, heto pa rin haharapin niya so we should not bothered at all by that,”dagdag ni Trillanes.

Noong Marso, isinampa ni Rabusa sa Department of Justice (DOJ) ang plunder case laban sa 17 personalidad na sangkot sa ‘pabaon system’ sa AFP, kabilang na dito sina dating AFP chief of staff Gen. Efren Abu, Diomedio Villanueva at Roy Cimatu at ang mga dating Comptroller na sina Garcia at retired Lt. Gen. Jacinto Ligot.

Nilinaw naman ni Estrada na walang double jeopardy sa inihaing plunder case ni Rabusa dahil ang unang plunder case ni Garcia kung saan pumasok siya sa plea bargain agreement sa Ombudsman at inaprubahan ng Sandiganbayan, ay tungkol sa tagong-yaman ng heneral, pero ang bagong plunder case nito ay tungkol naman sa natanggap nitong pera mula sa ‘pabaon system’ ng AFP.

Kasabay nito, muling nanawagan si Trillanes kay Garcia na kumanta na dahil sa pagkakataong ito ay baka tuluyan na siyang mabulok sa kulungan lalo pa’t hindi na Ombudsman si Merceditas Gutierrez na siyang unang naglibre sa kanya sa mabigat na kaso.

Sinabi pa ng senador na hindi na dapat pinagtatakpan ni Garcia ang mga taong nakakataas sa kanya dahil parang pinabayaan na siya sa kabila ng kanyang paninindigan na itikom ang kanyang bibig.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply