Gawang sining ng mga preso sa New Bilibid tampok sa exhibit

ITATANGHAL ng KULAY, isang grupo ng mga pintor at manlilikhang-sining na binubuo ng mga preso sa loob ng New Bilibid Prison  sa Muntinlupa City ang kanilang mga obra sa 10-araw na May 18-28 First Group Painting Exhibit sa loob ng Santiago Hall ng Bureau of Corrections (BuCor).

Pangungunahan ni Ernesto L. Diokno, director ng BuCor, ang nasabing exhibit ng 83 iba’t ibang obra ng 63 preso na miyembro ng KULAY sa pamamagitan ng launching at ribbon cutting ceremony bukas, May 18, sa ganap na ika-6 ng gabi, bilang siya ring guest of honor and speaker kasama pa ang ilang mga piling panauhin.

Ayon kay Prison Guard 2 Josemarie Alambro na naka-assign sa Special Investigation Team ng BuCor at kasalukuyang adviser at supervisor ng KULAY, ang lahat ng paintings ay gawa sa oil on canvass, acrylic at iba pang kilalang tatak na gawa ng mga preso sa NBP na may sizes na 26X32 at 30X40 na makikitang naka-display sa Santiago Hall at magsisimulang mabili sa May 19.

Ayon kay Alambro, ginagawa nila ang painting exhibit ng mga obra ng mga nakapiit sa NBP bilang isang paraan upang makatulong sa rehabilitasyon ng mga ito sapagkat nailalabas pa rin nila at nahahasa ang kanilang mga talento sa sining sa kabila ng kanilang kinasasadlakang sitwasyon bilang mga bilanggo.

Sa pamamagitan umano ng mga likha ng mga nakapiit, mauunawaan at malalaman ng mga tao sa labas ng mataas na pader ng NBP kung ano ang nilalaman ng mga puso at isipan ng kapwa nila na minsang nagkamali sa buhay at unti-unting nagbabago upang makabalik sa malayang buhay nila habang ang iba naman na nakulong at nahatulan nang walang kasalanan ay tinutulungang patatagin ang kanilang mga sarili na makayanan ang sinapit sa buhay sa pamamagitan ng pagpipinta at paggawa ng mga likhang sining.

Si Alambro ay nagtapos ng Fine Arts degree sa University of Santo Tomas at piniling manatiling Prison Guard sa BuCor upang makatulong na maging instrumento sa rehabilitasyon at tranpormasyon ng mga bilanggo sa pamamagitan ng pagtuon ng kanilang atensiyon at oras sa paglikha ng pantings at iba pang likhang sining.

Simula 2001 ay nagdaraos na ang KULAY ng panting exhibit subalit lagi lang itong isinasabay sa anniversary ng BuCor at hindi katulad ng isang exclusive na okasyon ngayon sa pamumuno ni Alambro.

Ang 85% ng bawat mabibiling painting ay mapupunta sa bilanggo na siyang lumikha nito habang ang 15% ay para sa pondo ng KULAY at 5% para sa BuCor.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply