Gen. Purisima, masusubukan sa jueteng sa Metro Manila

MARAMI na ang nakaabang ngayon sa kung anong gagawing pagkilos nitong bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Chief Supt. Alan Purisima sa laganap na jueteng sa Metro Manila na binabangkaan nitong si Tony “Bolok” Santos ng Marikina City.

Kundangan kasi, ang pesteng jueteng ni Santos ang isa sa mga napabayaan (o sinadyang hayaan?) ng umalis na hepe ng NCRPO na si Chief Supt. Nicanor Bartolome na ngayon ay Chief Directorial Staff na sa Camp Crame.

‘Ika nga ng mga iniwang pulis ni Bartolome sa NCRPO, anak ng jueteng din ang umalis na heneral. Sayang dahil bukod sa pagiging kaibigan siya ng media ay mukhang isa na siya sa mga kandidatong papalit kay PNP director general Raul Bacalzo na nakatakdang mag-retiro sa Setiyembre. Abangan na lang natin kung totoong “anak ng jueteng” si Bartolome kapag siya na ang hiranging PNP chief.

Balik tayo kay Bolok at General Purisima.

Doseng lungsod at munisipalidad sa Metro Manila ang dinadaluyan ng jueteng nitong si Bolok. Ito ay ang Maynila, Quezon City, CAMANAVA area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela), Pasig, San Juan, Mandaluyong, Marikina, Pateros at Taguig.

Balita ko, ultimo sa paligid ng bakuran ng Palasyo ng Malakanyang ay may mga kubrador ang mga kabo ni Bolok at walang habas na nagpapataya ng jueteng sa mga mananaya.

At dahil “untouchable” nga ang jueteng ni Bolok sa nasabing mga lugar noong panahon ni Bartolome, malinaw na may kuntsabahan daw sa pagitan ng mga alkalde ng mga lungsod at bayang nabanggit at ang maging ang mga hepe ng pulisyang sumasakop sa mga ito – mula presinto, district headquarters hanggang sa NCRPO kung saan nakaupo ngayon itong si Purisima.

At kung may kuntsabahan, ibig sabihin ay may timbrehan! Ito rin ba ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay patuloy ang pananahimik ni DILG Secretary Jesse Robredo at maging ng pamunuan ng National Bureau of Investigation?

Mukhang ang Palasyo ng Malakanyang na lang ang hindi pa natitimbrehan nitong jueteng ni Bolok?

Nanggaling si General Purisima bilang provincial director ng PNP-Region 3 kung saan talamak din ang jueteng partikular sa lalawigan ng Pampanga. Balita ko’y walang nagawa si Purisima sa mga jueteng lord sa buong rehiyon hanggang sa tinawag na rin siyang “anak ng jueteng” ng kanyang mga tauhan.

Nangangahulugan din kaya ito na wala rin siyang magagawa laban kay Bolok katulad ng nangyari kay Bartolome?

May kasabihan kasi tayong mga Pinoy na kung ano ang puno ay siya ang bunga! Di po ba General Bacalzo?

Abangan!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply