Globe sinopla ni Enrile sa PLDT, Digitel merging

MATINDING sinopla ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagmamaktol ng Globe Telecoms sa pagsasanib ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) at Digitel Mobile Philippines dahil walang nilabag na probisyon ang kasunduan.

Sa panayam pagkatapos ng pagdinig sa Senado, sinabi ni Enrile na hindi na kailangan pang aprubahan ng Kongreso ang pagsasanib ng PLDT at Digitel dahil tanging share of stocks lamang ang binili sa Sun Cellular, at hindi ang prangkisa.

“Hindi na kailangan ang approval ng Congress dahil iyong franchise ng Sun/Digitel, nakalagay doon na kung anuman yung pribilehiyo na ibinigay sa mga susunod na franchises ay magiging parte din itong franchise nila (Sun),’ paliwanag ni Enrile.

“There are many franchises na inaprubahan ng Kongreso na sinasabi na yung sale of controlling interest in that company and the succeeding companies did not require a Congressional approval. So, that is also available to Sun/Digitel,” dagdag ni Enrile.

Sinabi ni Enrile na lubos niyang pinag-aralan ang batas hinggil sa monopoly at pagsasanib na mga kompanya kaya’t naniniwala siyang walang naganap na monopoly sa pagsasanib ng PLDT at Digitel dulot ng “equity clause” sa prangkisa na ibinigay ng Kongreso.

“That is the so-called “equity clause.” So walang problema sa transaction. Hindi naman siguro ako magsasabi na ligal yun o tama yun na hindi ko muna pinag-aralan ang batas. Tungkol sa merger-megerger na yan, kaya ako naging Master of Laws dahil dyan,” giit ni Enrile.

Ipinaliwanag pa ni Enrile na hindi masama ang monopoly, kung monopoly lamang ang pag-uusapan dahil may natural na monopolyong nangyayari sa ating lipunan tulad ng operasyon ng isang public utility sa partikular na lugar na nasa ilalim ng regulasyon ang presyo.

“Dito (PLDT/Sun merger), there’s no showing that the acquisition is to restrain competition. Nagkakaroon ng competition. Marami pa nga ang papasok. So, Walang basehan yung pag-alma ng Globe,” ayon kay Enrile.

Aniya, walang pamamaraan ang Globe Telecoms na magamit ang Kongreso upang mapigilan ang pagsasanib dahil walang nangyaring paglabag sa alinmang probisyon ng prangkisa na ibinigay sa Digitel.

“Kaya ba sila nagku-complain dahil natalo sila? Puwede bang bawiin ng gobyerno yung transaction? Anong violation? Yun ang sabi nila dahil gusto nila makipag-areglo. Gusto nilang gamitin ang Kongreso para sila mapaburan. No way,” tindig ni Enrile.

Sinabi pa ni Enrile na talagang gustong bilhin ng Globe Telecoms ang Digitel, ngunit mas mautak lamang ang Smart dahil binili nila ang Sun Cellular nang mas mataas sa halagang iniaalok o inalok ng unang kompanya.

“Yes, gusto nilang bilhin yun. Mababa yung presyo nila. So, smart yung Smart. Dinoble nila yung presyo, kaya nabili nila. Ganyan ang negosyo. Parang sugal yan, kung hindi ka desididong sumugal ay hindi ka mananalo,” giit pa niya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply