Goodbye Chit Estella at sobrang maliwanag na ilaw

INIHATID na kahapon si Chit Estella Simbulan, isang beteranang mamamahayag at nagsilbing isang propesor sa University of the Philippines.

Tsk! Tsk! Tsk! Kung hindi ka mamatay sa bala ng baril ng mga ayaw mapuna sa kanilang kalokohan, basta ka na lang mamamatay sa disgrasya.

Nadurog ang bahagi ng taxi na doon nakapuwesto si Chit nang araruhin ito ng overspeeding na pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nakikipagkarera umano ang killer bus sa isang bus nang maganap ang aksidente.

Kuwento nila, may naunang bus na nakasagi sa taxi at ang Universal Guiding Star bus na tumumbok sa likod nito at naganap na nga ang malagim na disgrasya.

Daan-daan na ang namamatay sa Commonwealth Avenue na yan kaya tinagurian itong “killer highway.”
Siyempre, ginagawan ng paraan ang mga aksidente ng mga kinauukulan pero lumalabas na kulang na kulang ang mga ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, tsuper at mamamayan sa lugar.

Dahil sa laging may namamatay sa lugar, malaking punto ang tiyak na kakulangan ng pamahalaan sa pagkontrol sa galaw ng mga sasakyan at tao sa lugar.

Mayroong 60 kilometers per hour nang maximum speed sa lugar at istriktong pagpapatupad ng batas-trapiko.

Markado rin ang kalsadang ito bilang gabay ng mga sasakyan.

Pero naririyan pa rin ang mga malalagim na aksidente.

Ano-ano pa bang programang pantrapiko ang kulang? Ito ang dapat na pag-isipan at gawan ng paraan ng pamahalaan.

Ano’t anoman, goodbye, Chit Estella Simbulan. Hiling nating makamit ng inyong mga naulila ang katarungan at siguro nagbuwis ka ng buhay upang magkaleksyon ulit ang lahat laban sa disgrasya.

oOo

Suportado natin ang isang panukala sa Kongreso ng Bayan Muna laban sa sobrang maliwanag na ilaw ng mga sasakyan.

Totoo na isang sanhi ng aksidente ang sobrang maliliwanag na ilaw ng mga sasakyan.

Makaraang masilaw ang kasalubong, nabubulag ito nang sandali o matagal at sanhi ito ng malabong pagtingin sa mga nasa unahan, sasakyan, tumatawid na tao, sarado at kurbadang kalsada at tumatakbong kalesa, traysikel, kuliglig at iba pa na walang ilaw.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply