Hamon ng immigration officers sa BI chief: ‘Lumabas ka sa lungga mo!’

NANAWAGAN ang mga immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport  sa kanilang punong opisyal na ‘lumabas sa kanyang lungga’ at tingnan ang kanilang kalagayan sa mga pambansang paliparan upang hindi na maulit ang naging kontrobersiya hinggil sa naganap na pagpapapuslit sa dalawang Indian national sa NAIA terminal 3 noong Abril 27.

Ayon sa mga kasapi ng Immigration Officers’ Association of the Philippines , hindi sana mangyayari ang kontrobersiya kung mismong si Commissioner Ricardo David ang nag-utos sa kanila kung papayagang pumasok sa bansa ang dalawang dayuhan.

Matatandaan na nagkaroon ng kalituhan sa hanay ng BI-Travel Control and Enforcement Unit sa NAIA kung sino kina Atty. Anthony Bautista, umano’y nagmula sa tanggapan ni David at isang nagngangalang retired Gen. Lino Calingasan na umano’y chief of staff ni David ang susundin.

Sa impormasyong nakalap ng pahayagang Remate, ipinag-utos umano ni Atty. Bautista sa mga taga TCEU na pakawalan at papasukin sa bansa ang dalawang dayuhan, s autos umano ni Comm. David.

Taliwas naman ito sa naging utos ni Calingasan na nagsabing pabalikin sa Malaysia ang mga dayuhan at isailalim sa ‘exclusion proceedings.’

Sinabi pa ng mga immigration officer na hindi naman sumasagot sa telepono si David kaya papaano nila malalaman kung nanggaling mismo sa kanilang punong opisyal ang kautusan.

“Hanggang sa ngayon, wala kaming natatanggap na tawag o text message man lang mula sa kanya (David), papaano namin malalaman na siya nga ang mag-uutos,” sentimyento pa ng isang immigration officer na tumangging pangalanan at nakatalaga sa Terminal 1.

Maging ang mga mamamahayag ay nahihirapan na makunan ng panayam si David kahit na ibinigay nito ang kanyang personal na linya ng komunikasyon.

Ayon pa sa mga taga-Airport, dapat pamarisan ni David ang mga nagdaang komisyuner ng kawanihan na nagdu-duty sa NAIA upang personal na maramdaman ang tungkulin ng isang immigration officer.

Matatandaan na maging ang mga naunang komisyuner, mula kay Commissioner Miriam Defensor Santiago hanggang kay dating Officer-in-Charge Ronaldo Ledesma, ay naranasang magtatak ng pasaporte ng isang papaalis na pasahero.

Nagpalabas ng direktiba si David para sa mga tauhan nito sa mga pambansang paliparan na mahigpit na ipatupad ang probisyon ng Philippine Immigration Act of 1940 na nagbabawal sa mga dayuhang nasa ‘restricted category’ na makapasok ng bansa.

Sa kanyang direktiba, sinabi ni David na walang ipatutupad na ‘waiver of exclusion’ kahit na may isang awtorisadong kinatawan nito ang tumawag sa paliparan upang papasukin ang isang pasahero.

Ayon pa kay David, dapat munang kumuha ng kompirmasyon mula sa kanya ang sinomang immigration officer upang mapatunayan na ang punong opisyal ng kawanihan ang nagbigay ng kautusan na papasukin ang isang pasahero.

Ipinagdiinan pa ng dating Armed Forces Chief of Staff na dapat munang gumawa ng kasulatan ang isang dayuhang nasa tinatawag na ‘restricted’  at bayaran ang karampatang serbisyo bago ito payagan ng kawanihan na makapasok ng bansa.

Ipinagdiinan pa ni David na ang sinomang opisyal o kawani na lumabag sa direktiba ay papatawan ng kaparusahan kabilang na ang pagkakasibak sa puwesto sa kasong grave misconduct.

Nauna nang ibinunyag ng pahayagang Remate ang umano’y lantarang human smuggling sa NAIA, partikular na ang pagpasok sa bansa ng dalawang Indian nationals, at naging dahilan upang magpalabas ng matinding direktiba si Comm. David.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply