Hampas ng bagyo

HABANG pinaulanan ng suntok ni Manny Pacquiao si Sugar Shane Mosley, humampas naman sa Pilipinas ang bagyong si Bebeng. Hindi man kalakasan subalit ilang buhay agad ang pinatumba ng bagyo.

Muling sinubukan ng sama ng panahon ang ating kahandaan na harapin ang taon-taong paghahasik ng lagim ng kalikasan.

Matapos ang matinding init ng araw na ating naranasan nito lamang nakalipas na linggo, ulan at hangin naman ang ating kinakaharap.

Simula pa lamang ito, ayon sa Pagasa. Marami pang darating na sama ng panahon lalo na sa pagsapit ng tag-ulan.

Liban sa baha at hangin na sumisira sa ating mga ari-arian, inaasahang muling magbabanta ang iba’t-ibang sakit, tulad ng dengue. Ngayon pa lamang ay nagbabala na ang Department of Health na mag-ingat sa kagat ng lamok na may dala ng nakamamatay na sakit.

Huwag nating ipagsawalang-bahala ang mga ganitong babala. Dapat tayong magiging handa, lalo na ngayong parating na ang pasukan sa eskwela.

Hahampas at hahampas ang bagyo dito sa ating bayan. Hindi na bago ito sa atin. Mula’t simula, dumarating talaga ang malakas na hangin na may dalang ulan dito sa Pilipinas. Nasa gitna kasi tayo ng dagat kung saan dumadaan ang mapaminsalang hangin at ulan.

Kaya naman sana ay handa na tayo, kasama na ang ating pamahalaan, sa inaasahang epekto ng bagyo dito sa atin. Lumikas na muna ang mga naninirahan malapit sa tabing-dagat, baklasin na muna ang mga kubo sa tabi ng mga bundok na posibleng guguho, at ang mga nasa malapit sa estero ay lumipat na muna sa mas ligtas na lugar.

Muli nating panawagan sa pamahalaan na umaksyon na habang maaga. Paghandaan natin ang tag-ulan at panahon ng bagyo. Tulad na lamang sa pag-aayos ng mga lansangan na inaasahan nating babahain (sa Himlayan Road sa lungsod Quezon, halimbawa, na matagal ng sira-sira at binabaha kahit walang ulan).

Hahampas na naman ang bagyo, muli na namang mananalanta ang kalikasan, hihintayin na lang ba natin at pabayaan itong sumira sa ating mga buhay at ari-arian?

Gumising na tayo at magwalis sa mga bakuran, huwag magtapon ng basura sa kanal, at para sa gobyerno, huwag na munang nakawin ang perang nakalaan sa mga proyektong puwedeng magligtas ng buhay ng ating mga kababayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply