Huwag munang kumain ng Maggi noodles –FDA

PINAYUHAN ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko na huwag munang bumili at kumain ng Maggi Instant Noodles dahil napatunayang kontaminado ito ng nakalalasong salmonella bacteria.

Una nang binawi ng Nestle Philippines, ang kumpanyang gumagawa ng Maggi Instant Noodles, ang mga produktong nabanggit mula sa mga tindahan nang mapag-alamang hindi ito ligtas sa publiko.

Lumitaw sa routine quality test ng kumpanya na ang dalawang batches ng kanilang beef-flavored Maggi Rich Mami Noodles ay may salmonella.

Ayon sa Nestle, ang batches na nagpositibo sa salmonella ay mayroong lot codes na 11020598A2 at 11030598A1 na makikita sa likuran ng pakete sa pagitan ng salitang “Best Before” date at ingredients list.

Tiniyak naman ni Ed Tamayo, consultant ng Nestlé Philippines, na walang dapat na ipangamba ang publiko at agaran ang kanilang iniutos na recall.

Karamihan rin aniya sa mga produkto ay hindi pa naipakakalat.

Sakali man umanong may naibenta na ng naturang produkto, ang mga konsyumer na nakabili na nito ay inaabisuhang tumawag sa kanilang hotline sa 898-00-61 (Metro Manila) at 1-800-100-637853 (toll-free para provincial areas).

Nabatid na ang salmonella ay isang bacteria na maaaring makuha mula sa kontaminadong tubig, lupa, dumi ng hayop, hilaw na itlog at hilaw na karne.

Sakali umanong makakain ng pagkain na kontaminado ng salmonella ay maaaring maapektuhan ang intestines o mga bituka ng isang indibidwal na magreresulta sa pagkakaroon nito ng lagnat, pananakit ng tiyan at pagsusuka.

Nilinaw naman ni Tamayo na hindi dapat na mangamba ang publiko sakaling nakakain ng kanilang produkto na nagpositibo sa salmonella dahil nanatili pa rin naman itong ligtas basta lamang sinunod ng mabuti ang nakasaad sa cooking instructions.

Tiniyak na rin naman ng Nestlé na nagsasagawa na ito ng malalimang imbestigasyon upang mabatid kung ano ang sanhi ng kontaminasyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ay lumitaw na nagmumula sa flavoring ingredients na nasa loob ng produkto.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply