Ikadena ang mga drug syndicate at makapili

SABI ng Philippine Drug Enforcement Agency, nahuli na nila ang isa sa mga pinaghihinalaang nag-recruit kay Elizabeth Batain na nabitay sa China dahil sa pagdadala ng nasa apat na kilong cocaine doon.

Kinilala ni PDEA agent  Jonathan Morales ang suspek na si Samuel Egbo, 34, Nigerian at miyembro ng West African Drug Syndicate. Binubuo ang sindikatong ito ng mga Nigerian na nakabase umano sa  Bangkok, Thailand at nagpa-pakalat ng droga sa mahal kong Pinas, China, Singapore, Malaysia and Australia.

May kasama itong Koreana na pinaniniwalaang girlfriend niya at maaaring kasama rin nito sa iligal na gawain. Dapat na ipagpatuloy ng PDEA ang trabaho nito laban sa ganito kalalaking sindikato dahil maraming tao ang kanilang ipinahahamak.

Ang sabi, mga Bro, matindi ang ginagawa ng mga animal na ito sa kanilang nire-recruit na drug mule o courier. Nag-aalok ang mga ito ng nasa $3,000-4,000 bilang kabayaran ng kanilang nare-recruit na magbiyahe ng droga.

May pinalululon o pinakakain ng nakaplastik o nakakapsula na droga. May mga ipinapasok sa ari, lalo na sa parte ng mga kababaihan.

Karamihan naman sa mga nare-recruit nila ang kanilang nire-rape muna bago bumiyahe. Yung iba na hindi nahuhuli, ginagawa na lang nilang sex-slave habang nakaugnay ang mga ito at hindi pa nakabibiyahe.

Matapos ang lahat, wala silang pakialam kung mahuli at mabitay ang mga mule o courier nila.
Ang masakit dito, mga Bro, mismong mga kababayan natin ang nabibingwit din nilang tagakalap ng mga courier.

Halimbawa si Tita Cacayan na nagpahamak naman kay Sally Villañueva. Ang kakapal ng mukha ng mga ito na gumamit sa kanilang kababayan na magbiyahe ng droga kahit mabitay pa ang mga ito.

Kung mapatunayan na may kasalanan si Cacayan sa pagiging lokal na recruiter ng mga dayuhang sindikato, dapat patawan ito ng pinakamatinding parusa.

Noong panahon ng Hapon, ang tawag sa ganitong kababayan ay Makapili. Basta na lang tinutumba ng mga gerilya ang mga ito dahil sa pagtraydor sa kanilang mga kababayan. Itong mga dayuhan ay dapat na ikadena at bantayan ang mga animal na gustong perahin ang krimen ng mga ito.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply