Iregularidad sa importasyon ng bigas bubusisiin

MAMANMANAN ng Department of Agriculture (DA) ang aktibidad sa pag-aangkat ng bigas para mabantayan ang posibleng iregularidad dito.

“I won’t allow irregularities under my leadership,” pahayag ni DA Secretary Proceso Alcala.

Tiniyak ito ni Alcala matapos bigyang-diin na ang lumabas na audit report ay nagpapakita lamang ng kuwestiyunable ang importasyon ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa pagitan ng mga taon na 2008 at 2010 sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Batay umano sa audit, sobra sa presyo, may kartel, wala sa panahon, at labis-labis ang inangkat na bigas ng nakaraang administrasyon.

Sinabi ni Alcala na sa ilalim ng kanyang pamamahala, ipagpapatuloy ng NFA ang mahigpit na pagbabantay at konsultasyon sa mga stakeholder para matiyak na maayos ang isinasagawang importasyon ng bigas.

Umaasa si Alcala na sa mga susunod na buwan, mas mababa na ang bilang ng aangkatin na bigas lalo pa’t target ng DA na maging rice self-sufficient ang bansa sa 2013.

“We’ll be hitting this target barring onslaught of violent typhoons,” aniya.

Samantala, natapos na ng NFA ang subasta o bidding para sa aangkating bigas na may kabuuang volume na 865,000 metrikong tonelada.

Tatlong beses umanong nagdaos ng bidding ang NFA para rito. Una, noong Marso 23 para sa 600,000 metrikong tonelada, sunod, noong Abril 4 para sa 60,000 metrikong tonelada, at huli, nitong Mayo 2 para naman sa 205,000 metrikong tonelada.

Batay sa opisyal na press statement ng NFA ipinauubaya na nito sa pribadong sektor ang malaking bahagi ng importasyon ng bigas dahil sa mahigit P176 bilyon na ang utang ng ahensiya at kakulangan sa pondo.

Tinaasan din umano ng NFA ang service fee ng mga rice importer kaya mula sa dating 50 sentimos bawat kilo ay naging P2 na ito kada kilo o P100 bawat sako ng bigas.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply