Jail warden sibak sa VIP treatment

SINIBAK na ni Interior Secretary Jesse Robredo ang jail warden ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City dahil sa pagbibigay ng VIP treatment sa pangunahing suspek ng karumal-dumal na Maguindanao Massacre, ang mag-amang Andal Ampatuan Sr. at Andal Ampatuan Jr.

Iniutos ni Robredo ang “administrative relief” kay Jail Warden Chief Insp. Glenford Valdepenas matapos mabunyag ang umano’y special treatment sa mga high-profile inmate, gaya ng mag-amang Ampatuan na akusado sa pagkamatay ng 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag.

Sinabi ni Robredo na mananatili sa preventive suspension si Valdepenas habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Pansamantala siyang papalitan ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Rosenda Dial.

Ang kontrobersiya ay nag-ugat nang isiniwalat ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, kaanak ng biktima ng masaker, ang mga ebidensiya ng special treatment ng mga tauhan ng BJMP sa mga Ampatuan.

Kabilang sa mga ito ay 38 larawan na kuha sa loob ng detention facility.

Sa isang litrato ay makikita si Andal Sr. na nakaupo sa labas ng kanyang detention cell at may katabing babae na may hawak-hawak na cell phone.

Makikita rin sa ibang larawan ang pagpasok ng ilang sports utility vehicles sa loob ng compound.

Ayon pa kay Mangudadatu, maliban sa mga larawan, may hawak din umano itong mga video footages na magpapatunay na may special treatment na ibinibigay sa mga Ampatuan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply