Kahit mag-eehersisyo, yosi hindi iiwan ni PNoy

WALANG balak si Pangulong Benigno Aquino III na itigil ang kanyang paninigarilyo.

Ito ay sa kabila ng ginawa niyang panawagan sa lahat ng mga Pilipino na sanaying mag-ehersisyo upang maiwasan ang pagkakaroon ng non-communicable diseases (NCDs) na pangunahing dahilan ng pagkamatay.

Sa idinaos na Ehersisyong Pangkalusugan para sa Lahat na isinagawa sa Liwasang Aurora, Quezon Memorial Circle, Elliptical Road sa Quezon City, sinabi ng Chief Executive na ang hindi tamang pagda-diet at kakulangan sa exercise ay  pawang major cause ng NCDs gaya ng diabetes, hypertension at cardiovascular diseases.

“Maraming Pilipino ang nalalagay sa peligro sa kalusugan dahil sa noncommunicable diseases,” ang pahayag ng Punong Ehekutibo.

Sinabi nito na tututukan ng kanyang administrasyon ang pagbibigay solusyon sa kawalan ng pagkakapantay-pantay sa natatanggap na serbisyong pangkalusugan ng mga Pilipino.

“Kailangan natin ang isang malusog at matatag na sambayanan upang mapabilis ang atin pong pag-unlad. Handa na pong umarangkada muli ang ating bansa tungo sa finish line kung saan ang lahat ng Pilipino ay panalo, masigla at masagana,” anito.

Sa kabilang dako, pinangunahan naman ng Chief Executive  ang pagbi-bisikleta  kasama ang mga miyembro ng kanyang gabinete  sa paligid ng Quezon City Memorial Circle.

Una nang naiulat noong pagpasok ng 2011 na aasahan umano ang isang pala-exercise na Pangulong Noynoy Aquino.

Matatandaang marami ang pumupuna sa paninigarilyo ng pangulo at umano’y pagkahilig nito sa computer games at billiards.

Sinabi ni Communications Sec. Ricky Carandang, magiging regular umano ang pagbibisikleta ng pangulo lalo pa’t may bago itong bike.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply