Kamara handa na sa deliberasyon ng RH bill

AABOT hanggang sa botohan ang pagsusulong ng Kamara sa kontrobersyal na Reproductive Health bill.

Ito ang pagtiyak ni House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte sa pagsasabing handang-handa na ang mga kongresista para sa deliberasyon sa plenaryo ng RH bill.

Sa isang press conference, sinabi ni Belmonte na may inilaan nang panahon ang Kamara sa RH Bill kung saan nasa 50 kongresista umano ang nakalistang sumalang sa interpolasyon.

Aniya, tinatalakay na nila ang ground rules na gagamitin ng Kamara para sa debate at botohan, hindi lamang ng RH bill kundi ng iba pang panukalang batas na nakabinbin.

At bagama’t kating-kati na ang mga RH bill proponent na mapagdebatihan at makalusot na ito sa huling pagbasa, nilinaw ni Belmonte na hindi niya maipapangako na makakapasa ito bago mag-adjourn ang kongreso.

Subalit, siniguro niyang aabot ang RH bill sa botohan sa plenaryo.

Sinabi ni Belmonte na inaasahang isasalang din kasi ang mga LEDAC bills at may 100 panukalang batas.

Tiwala rin si Belmonte na makakakuha ng sapat na bilang sa plenaryo ang kontrobersyal na RH bill upang maisulong na ito sa Senado.

Samantala, tahasang sinabi naman ni House Assistant Majority Leader at Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles na iligal at labag aniya sa Konstitusyon ang RH bill.

Bagama’t naniniwala si Nograles na ang kahirapan ay isang pandaigdigang malaking problema, hindi kailanman magiging tugon dito ang pagkontrol sa populasyon at hindi na rin umano dapat ipagkait sa mga maipapanganak ang pagkakataon na sila ay makapamuhay at matikman ang pag unlad. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply