Kanong nanggoyo ng mga Brazilian, natimbog ng BI

HIMAS-REHAS ngayon sa kulungan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national matapos waldasin nito sa isang mamahaling resort sa Boracay ang nakulimbat na pera ng mga nalokong Brazilian investors sa itinayong investment scam sa Brazil.

Kinilala ni BI Commissioner Ricardo David Jr. ang pugante na si Williman Preston Strong, 54-anyos, matapos na maaresto ito ng mga ahente ng Interpol Unit sa Malay,Aklan noong Mayo 6.

Inatasan na rin ni David ang legal and investigation division na madaliin ang summary deportation proceedings laban kay Strong upang maibalik ang akusado sa bansang Brazil.

Ayon naman kay BI Intelligence Chief Ma. Antonette Bucasas-Mangrobang, nagpalabas na nang ‘red notice’ o malawakang paghahanap ang Interpol sa Brazil laban kay Strong matapos na mag-isyu ng warrant of arrest ang Segundo federal tribunal sa Sao Paulo sa kasong conspiracy at fraud.

Batay sa datos na nakalap ng tanggapan ni Mangrobang, nagreklamo ang mga negosyante sa Brazil laban kay Strong makaraang mabigo ito na isoli ang inilagak na puhunan, kasama na ang tubo sa itinayong securities trading sa pamamagitan ng Internet. Umaabot umano sa milyun-milyong dolyares ang nakuha ng akusado sa mga negosyante.

“The fraud was perpetrated by publishing shares offers at attractive prices in the Internet, hence the victims were led to believe that they were dealing with duly accredited stock brokers,” paliwanag ni Mangrobang hinggil sa modus operandi ng sindikato.

Si Strong ay dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 28, 2010 bilang isang turista.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply