Kita ng actress, singer at television host, tsinatsampoy ng ‘olds’

YAGIT na maituturing pala ngayon ang katayuan sa buhay ng isang sikat na actress/singer at television host na kahit maganda ang tinatakbo ng kanyang showbusiness career ay nakasilid naman pala  sa sariling bulsa ng kanyang mga magulang ang malaking perang kinikita nito.

Kaya kahit tanungin mo ngayon ang pambato ng isa at kilalang malaking television network kung magkano na ang kanyang perang naipon mula sa kanyang pinagputahan tulad ng pagho-host sa television programs, recordings at maging sa paggawa ng pelikula ay wala itong maisasagot kundi “Ewan” na titulo baga ng kanta ng magkatambal sa entabladong sina Subas Herrero at Noel Trinidad na noo’y tinaguriang “Tsampoy”.

Kumbaga sa matandang kasabihan, ang nagbayo ay ang naturang young actress/singer pero iba naman ang kumakain o ang nakikinabang.

Hindi na rin dumadaan pa ang pera sa sariling palad nito dahil ang kumukubra ng kanyang talent fee sa tuwing collection day ay walang iba kundi ang mismong mga magulang nito.

Sa madaling salita, wala itong karapatang magdesisyon patungkol sa gastusin sa kanyang pamilya dahil ang may ‘say’ lang dito ay ang kanyang olds kahit pa ang naghihirap sa kakakayod ay ang sikat na mang-aawit.

Nakakalat din sa ilang showbiz reports na bukod pa rito ay hindi rin ito pinaliligawan at ipinagbabawal rin na may lalaking aakyat ng ligaw sa kanilang magandang bahay sa labas ng Metro Manila kahit  tipo pa ito ng dalagang aktres.

Kaya sa mga tapings, live shows at recording nito, nakakabit na parang tukong matakas ang mga magulang nito para hindi makalapit ang mga suitors nito.

Kahit pa sa loob ng pamamahay,  martial law din ang pinaiiral dahil hindi niya puwedeng isara ang pintuan ng kanyang sariling silid sa takot na magdala ito ng lalaki.

Sa kabila nito, may punto naman ang mga olds ni singer actress na  higpitan ito lalo na sa pera dahil may balita naman palang pinag-aaral naman ng mga magulang nito ang iba niyang kapatid sa ibang bansa kahit pa ito ay masasabing luho na lamang ng buhay.

Dahil sa paghihigpit, pangamba tuloy ng mga sanggang dikit ni young actress-singer na tatandang dalaga ang kanilang alaga dahil parang ala Sonny Jawoski ang pagbabantay ng mga ‘olds’ nito sa kailang anak.

Huwag lamang may mambuyong kaibigan ng singer actress at baka biglang itong matauhan at mag-alsa balutan para lumipat sa isang condo unit na kayang-kayang nitong hulug-hulugan dahil nais nitong maging independyente sa buhay.

Minsan, ika nga ng kasabihan na huwag masyadong higpitan ang pagrerenda sa alagang anak dahil kapag ito ay nasakal at hindi na makahinga, kakawala at kakawala ito mula sa kulungan para mamuhay ng malaya na tulad ng kasabihang “Ibon man may layang lumipad, ikulong mo at umiiyak”.

Itay at Inay, kaunting luwag lang po, bago mahuli ang lahat.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply