Pangongotong ng traffic enforcers namumuro na

MAGWAWAKAS na ang mga maliligayang araw ng mga kotongerong traffic enforcer na nakatalaga sa Monumento, Caloocan City matapos aksyunan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang reklamo ng mga driver ng pampasaherong jeep sa rutang Sangandaan–Navotas.

Sa kautusan ni PNP Director General Raul Bacalzo , agad na pinaparesolba kay Senior Supt. Jude Wilson Santos, hepe ng Caloocan City Police, ang mga reklamo ng driver hinggil sa lantarang pangongotong nga mga traffic enforcer sa nasabing lugar.

Base sa reklamong nakarating sa tanggapan ng PNP chief sa pamamgitan ng “Text Tsip PNP,” ang mga jeepney driver ng biyaheng Letre, Sangandaan Navotas, ay hinihingan ng mga traffic enforcer ng Caloocan City Hall para iwas-huli.

Kapag hindi makapag-abot ng pera ang driver ay hinuhuli ito at binibigyan ng tiket para umano sa paglabag sa batas-trapiko.

Dahil dito, inatasan ni Santos si Chief Insp. Abner Yambao Castro, hepe ng station traffic enforcement unit, na magtalaga ng apat  na pulis – dalawa sa morning shift  at dalawa rin sa afternoon shift – para mapigilan ang nasabing pangongotong.

Ipinaalam na rin sa tanggapan ng Department and Public Safety (DPSTM) of the Local Government of Caloocan City ang nasabing deployment ng apat na pulis trapiko sa nasabing lugar para maiwasan na ang nasabing reklamong kotong.

Pinalalayas na rin ang mga “barker” o ma tagatawag ng mga pasahero,  partikular sa Sangandaan.

Nagbabala naman ang pamunuan ng Caloocan Police na parurusahan ang sinumang lalabag sa nasabing kautusan na nagmula pa sa pamunuan ng PNP. Roger Panizal

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply