Lagot kayo!

NADALAW ako sa Mindanao kamakailan lang at nakita ko ang mga mamahaling sasakyan na ngayon ay napapabalitang mga nakaw pala sa Amerika. Hindi ko sa Cagayan de Oro nakita ang mga sasakyan. Sa ibang lugar. Hindi si Lynard Allan Bigcas ang sinabing may-ari ng mga sasakyan kundi mga pulitiko.

Naitanong ko sa mga kaibigan kung saan nabili ng mga pulitiko ang mga sasakyan. Hindi ko kasi ito nakikita sa mga tindahan ng kotse sa Maynila. Mukhang mga imported talaga. “Makabili nga rin,” pabiro kong sabi sa mga kababayan. “Interesado ka? Mura lang yan. Marami niyan sa Misamis at Cagayan,” anila.

At ipinaliwanag sa akin ng mga tsismoso na ibinabarko raw ang mga kotse papuntang Mindanao. Hindi na raw ito dumadaan sa mga pier ng Maynila at Cebu kung saan istrikto umano ang mga otoridad at mainit ang mata sa mga ipinupuslit na mga kargamento. Pumapasok daw ang mga sasakyan bilang “cargo” diretso sa Mindanao, lalo na sa pier ng Cagayan de Oro at mga kalapit na lugar.

At ang kuwento nga ay nabisto na ngayon ng Kamara de Representantes. Totoo ang sinasabi ni Bigcas na ipinuslit sa bansa ang mga sasakyan bilang “door-to-door” cargo. Pero hindi bilang “chop-chop” items kundi buong mga sasakyan. Ang mga kotse siguro ay nakahiwalay ang salamin, makina at upuan sa kaha, at binubuo na lang sa Mindanao.

Nabanggit din sa atin noon na may mga magagaling na mekanikong gumagawa sa mga sasakyan. Mga eksperto raw sa mamahaling sasakyan ang mga mekanikong ito. Pag naggawa raw nila ang kotse, wala kang makikitang bahid ng anumang pagkumpuni. Parang galing daw talaga sa paktorya. May panahon pa raw na ipinapadala ng buyer ang mekaniko sa abroad upang tingnan ang target na sasakyan at ang mekaniko na rin mismo ang mag-chop-chop.

Pagkauwi ng mekaniko sa Mindanao, aabangan nito ang kotse upang muling buuhin. Maganda siyempre ang kakalabasa kasi kung sino ang nag-chop-chop ay siya rin naman ang magbabalik o mag-aayos nito. Ang mga tulad ni Bigcas daw ang bahala sa pagdadala ng kargamento dito sa Pinas. Siyempre pa, di rin siguro maiiwasan na minsan ay may ilang baril na naisiksik sa loob ng mga kargamento. Mahirap ito hanapin kasi panay bakal naman ang mga sasakyan.

Pero ngayon bistado na ang modus operandi na matagal nang usap-usapan sa Mindanao. Ang dami na kasing magagandang kotse doon, at minsan nang nauwi ako ay nagkaroon pa ng motorshow. Nakakaaliw ang mga motorsiklo na nakita ko, nakakatulo-laway talaga. Nakapagtataka lang kung bakit tila di ito napansin ng mga otoridad doon. Kundi di pa umalma ang FBI ng Amerika dahil nawawala ang motorsiklo ng isang taga-Hollywood, di rin siguro lalabas ang isyung ito.

Pero ngayon lantad na si Bigcas. May blackbook pa siya, at tila handang magsalita. Ang mga nakabili kaya ng mga kotse ni Bigcas, magsasalita rin kaya? Naku, lagot kayo, mga pulitiko kayo. Mas maganda pa ang kotse nyo sa Porsche at BMW ni Pangulong Aquino, at baka napamahal pa siya nang binili niya ito!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply