Lasing na fire volunteer nilaro ang baril, todas

UMALINGAWNGAW ang malakas na putok ng baril nang tamaan ng bala sa ulo ang isang 32 anyos na fire volunteer habang nilalaro ng sarili ang baril sa Tondo, Manila nitong hatinggabi ng Huwebes , Mayo 26.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng isang tama ng bala sa ulo ng biktimang si Richard Dungca, may asawa, ng 1447 Juan Luna St., Tondo.

Batay sa ulat ni Det. Edmundo Cabal, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section at siyang may hawak ng kaso, dakong 11:50 ng hatinggabi nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Nabatid sa report, nag-iinuman noon ang biktima kasama ang apat nitong kabarkada nang kunin ni Dungca ang kalibre 9mm na baril saka nito nilalaro laro kaharap ang mga kainuman.

Tinangka umano siyang payapain ng mga kainuman, maging sila’y pinagtututukan ng baril, na walang magazine, hanggang sa nilagyan na nito ng magazine na may bala.

Ikinasa umano ito ng biktima, bago itinutok sa ulo saka kinalabit hanggang sa umalingawngaw ang malakas na putok at humandusay ang duguang biktima.

Mabilis umanong isinugod sa nasabing pagamutan si Dungca, subalit hindi na rin ito naisalba ng mga manggagamot at idineklara na itong dead-on-arrival.

Gayunman, napag-alaman na isa isahin ni Det. Cabal na isailalim sa masusing imbestigasyon ang apat nitong kainuman, upang mabatid na walang foul play sa nasabing insidente na pinaniniwalaan naman umano ng misis ng biktima matapos umano itong magbigay ng salaysay.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply