Libreng birth registration suportado ng DepEd

DAHIL mahalaga ang tamang dokumentasyon ng kapanganakan, inihayag ng Department of Education (DepEd) ang suporta sa proyektong Free Birth Registration ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para na rin sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, napapanahon ang proyektong ito dahil magsisimula na ang pagpapatala ng mga mag-aaral sa paaralan.

“Napapanahon ang proyektong ito lalo na sa paghahanda para sa parating na pagpapatala ng mga mag-aaral sa ating pampublikong paaralan. Ang sertipiko ng kapanganakan ay napakahalagang dokumento sa pagseguro sa pagkakakilanlan ng mag-aaral,” pahayag ni Luistro.

Binigyang-diin ni Luistro na ang pagsisikap na ito ay sinusuportahan ng Education For All (EFA).

Ang itinataguyod ng libreng pagpapatala ng kapanganakan ang proteksyon ng pangunahing karapatan ng bawat bata, lalo’t higit ang pagpapanatili sa mga ito sa paaralan.

Hinikayat ni Luistro ang mga magulang na samantalahin ang libreng pagpapatala sa kanilang mga anak.

Ang pinagsamang proyektong ito ay sinimulan upang masakop ng pagpapatala ang indigenous peoples (IPs), mga anak ng mahihirap, mga bata na nagpatala at magpapatala sa mga pampublikong paaralan at lahat ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na wala pang birth certificates.

Ang inisyatibong ito ay tumutugon din sa kahirapan sa pagsunod sa mga pangunahing pangangailangan ng dokumentaryo tulad ng sertipiko ng kapanganakan ng batang IP.

Nakikipagtulungan ang DepEd at DSWD sa National Statistics Office (NSO) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa nasabing proyekto.

Ang registration at processing fees ng birth certificates ay babalikatin ng pondo ng pamahalaan para sa buong buwan ng pagpapatala mula Mayo 3-31, 2011 sa mga tanggapan ng local civil registrar ng bawat munisipalidad.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply