Limang senador tutol sa Divorce Bill

TINUTULAN ng limang senador ang panukalang batas na gawing legal ang diborsyo sa Pilipinas dahil mawawasak umano ang pamilya sa ating bansa.

Mula nang ihayag nina Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada at Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang kanilang pagtutol sa divorce bill na nakahain ngayon sa Kamara, lumahok na rin sa bandwagon ng pagtutol sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Sens. Juan Miguel Zubiri at Francis “Kiko” Pangilinan.

Ayon kay Cayetano, supisyente na ang umiiral na batas para sa paghihiwalay ng mag-asawa sa bansa bagamat hindi ito abot-kamay ng mga mahihirap na pamilya dahil sa magastos ang prosesong ito.

“Ngunit sa tingin ko, wala sa kultura natin ang divorce at sa tingin ko makakawasak ito ng mga pamilya. (Dagdag rin dito ay) hindi pa naka-setup ang bansa na protektahan ang spouse na hindi nagtatrabaho sa pamilya,”paliwanag ng senador.

Sa tingin ni Cayetano, hindi uubra ang US-style divorce sa bansa dahil parang mag-syota lamang ang mag-asawa na kapag nagkagalit ay maghihiwalay agad, hindi katulad ng Philippine style na kailangang dumaan sa mahabang proseso ng paghihiwalay.

May personal na karanasan nama si  Zubiri kung bakit ayaw niya sa legalization ng divorce dahil kung naisabatas ito sa ating bansa ay baka matagal nang naghiwalay ang kanyang mga magulang.

“Gagamitin ko yung ehemplo ng aking magulang . noong bata pa sila away sila ng away pero lahat iyon ay na-survive nila at next year,  2012 ise-celebrate naming yung kanilang 50th wedding anniversary. Eh kung nagkaroon ng divorce law dito sa ating bansa sa within the last 20 years sa tingin ko nag-divorce na ang tatay at nanay ko,”paglalahad ni Zubiri.

Idinagdag pa nito na hindi dapat natin ginagaya ang sitwasyon sa US kung saan parang lima-singko lamang ang hiwalayan ng mag-asawa.

“Mayroon naman tayong recourse, legal separation and annulment. Ang ayaw nating mangyari tulad ng nangyayari sa Estados Unidos na nagkakaroon ng dysfunctional families , palagi na lamang nagdi-divorce dahil siyempre nakikita nila magulang nila divorce ng divorce, yung mga anak gagawin na rin, ganun na rin ang kanilang buhay,” katuwiran ni Zubiri.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply