Lipa hospital itatayo sa P300M-P900M utang

PINAG-AAWAYAN ng mga opisyal ng Lipa City, Batangas ang proyektong ospital na itatayo pero sa malaking utang na nagkakahalaga ng P300 milyon ngunit maaaring umakyat sa P900M.

May posibilidad umano na lumaki mula P300M sa P900M ang utang dahil sa mga depekto sa pag-aapruba rito.

Wala umanong public hearing o consultation. Walang kaukulang papeles na isinumite sa Sangguniang Panglunsod ng Hospital at Finance Committees ukol sa kung makakayanan o hindi na bayaran ng lungsod ang nasabing utang.

Ang hirap sa pagbabayad ng naunang utang ng lungsod na nagkakahalaga ng P100M ay nararanasan umano hanggang ngayon. Paano na lang umano kung mangungutang na naman ang lungsod at higit pang mas malaki kaysa nauna nang utang?

oOo

Dalawang kampo, mga Bro, ang nagbabangayan dito. Isa ang kampo ni Mayor Meynard Sabili na may proyekto ng ospital.

Kontra naman dito sina Vice Mayor Lydio Lopez Jr., ABC President Marlon Luancing at mga konsehal na sina Merlo Silva, King Umali, Concon Hernandez, Raulo Montealto at Aries Macala.

Ayon kay ABC President Luancing, bukod sa hirap sa pagbabayad ng utang na ang internal revenue allotment ng lungsod ang isusubo na pambayad sa interes o collateral, may iba pang mga isyu umano na hindi basta madaling sagutin.

Sakaling matuloy umano ang utang, paano  makaaagapay ang pamahalaang lungsod sa mga barangay na gustong humiling ng ayuda para sa mga programang pang-magsasaka, peace and order, pagawaing bayan at marami pang iba?

At kung maitatayo ang bago at modernong ospital, may libre bang gamot o doktor diyan?

Isa umanong malaking isyu rito ang kawalan ng kakayanang magbayad ng ospital, gamot at doktor ng maraming Lipeño.Kaya nga, hindi ang bago at modernong ospital ang kailangan ng Lipeño kundi ang remedyo sa kanilang mga hanapbuhay para  hindi sila magkasakit at maospital.

Nasaan umano ang ayuda para rito kung matatali ang kamay, ang pondo ng Lipa City sa pagbabayad sa utang?

O Mayor Sabili, ano ang masasabi ninyo rito?

Bukas ang ispasyong ito sa anomang paliwanag  ninyo, Mayor Sabili.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply