Lolo natigok sa loob ng apartelle sa QC

PATAY na nang matagpuan nitong Lunes ang isang 63-anyos na lalaki sa isang apartelle sa Quezon City.

Ang biktima, na nakilalang si Jacinto Simangan, karpintero, residente ng Barangay San Vicente ng nasabing lungsod, ay nag-check in sa nasabing apartelle kasama ang isang di nakilalang babae.

Sa ulat ng pulisya, dakong 4:30 ng hapon ay nadiskubre ng receptionist na si Adonis dela Paz at ng dalawang roomboy na sina Mark Polintan at Cenar Bal ang wala ng buhay na katawan ng biktima sa loob ng Room 130 sa Diliman Apartelle sa Commonwealth Ave., Barangay Old Balara.

Sa report ni PO3 Randy Bantillo, isinalaysay ni Dela Paz na bandang 1:30 ng hapon ay nag-check in ang biktima na may kasamang babae.

Dakong 3:45 ng hapon ay napansin ni Dela Paz na nagmamadaling lumabas ang babaing kasama ng biktima.

Dahil dito, naghinala na umano si Dela Paz na may hindi magandang nangyari sa loob ng naturang kwarto kaya agad niyang pinatingnan sa dalawang roomboy ang kwarto ng biktima.

Ilang beses na kinatok nina Polintan at Bal ang kwarto ngunit walang sumasagot.

Sa puntong iyon ay napilitan na ang receptionist na buksan ang kwarto gamit ang spare key na tinatago nito.

Doon na nila nadiskubre ang wala-nang-buhay na katawan ng biktima at kaagad na ini-report ang pangyayari sa mga pulis.

Sa pagsusuring ginawa ng Scene of the Crime Operatives (Soco) Team, sa pangunguna ni PSI Elizalde Oni, sa bangkay ng biktima, wala namang nakitang palatandaan na pinatay ito.

Hinala ng pulisya na inatake sa puso ang biktima sa gitna ng pakikipagtalik sa babaing kasamang nito.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply