LP senators, inupakan sa ‘katamaran’

MISTULANG inupakan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang tila “katamaran” ng ilang miyembro ng Liberal Party (LP) at kaalyado ng Palasyo sa pagtupad ng tungkulin bilang mambabatas, partikular ang paghahain ng panukalang papakinabangan ng taumbayan.

Nitong Miyerkules, inihayag ni Santiago na umabot sa 882 panukalang batas ang kanyang inihain sa Senado kumpara sa pinagsanib na 293 bills na naihain ng kaalyado ng Palasyo.

Tinukoy niyang partikular sina Sen. Franklin Drilon (45), Sen. Teofisto Guingona III (40), Sen. Francis Pangilinan (43), Sen. Ralph Recto (11) at Sen. Francis “Chiz” Escudero, (154).

Ayon kay Santiago, kahit nagkasakit siya ng ilang buwan sanhi ng hypothyroidism, pinilit niyang maging masipag bukod pa sa mayroon siyang mahusay na staff kaya’t nakapaghain ang senador ng 882 panukalang batas.

Iginiit pa ng senadora na kailangan niyang magtrabaho upang maihatid ang mensahe sa mamamayan na walang pangunahing tungkulin ang Senado kundi ang lumikha ng batas at hindi magsagawa ng imbestigasyong kriminal.

Nauna nang nagkaroon ng sunud-sunod na imbestigasyon ang kaalyado ng Palasyo sa Senado, partikular ang talamak na katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga government owned and controlled corporations (GOCC).

“A public hearing on a controversial issue generates a lot of publicity, but usually the result is merely a recommendation to the Ombudsman. By contrast, internet research is very quiet and solitary, but one bill could make a difference in the lives of people,” pasaring ni Santiago.

Partikular pang tinukoy ni Santiago ang kanyang panukalang “pay-to-stay” program sa kulungan na nagkaroon ng maling interpretasyon tulad nang ipinamumukha ng ilang kritiko.

“The country needs nationwide penal reform. As usual, there is no money.  The ‘pay-to-stay’ program forces rich prisoners to pay the money which will be used to improve the detention facilities of poor prisoners,” paliwanag niya.

Layunin ng panukala na “pangasiwaan lamang ang lagayan” na talamak sa maraming kulungan sa ngayon at ilang city jails na kung saan nakapamumuhay ng maayos ang mayayaman kaysa mahihirap na preso.

“In jail, if you are rich, you can live like a maharajah. By contrast, if you are poor, you live like a sewer rat.  So we must adopt the Robinhood concept – making the rich pay for the poor,” giit niya.

Bukod kay Santiago, nakapaghain ding kaukulang panukala sina Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada (581), Sen. Manny Villar (539), Sen. Antonio Trillanes (394), Sen. Lito Lapid (239), Sen. Ramon  Revilla (150), Sen. Loren Legarda (198), Sen. Edgardo Angara (117), Sen. Juan Miguel Zubiri (90), Sen. Pia Cayetano (74), Sen. Vicente Sotto (45), Sen. Juan Ponce Enrile (40), Sen. Ferdinand Marcos (39), Sen. Gregorio Honasan (34), Sen. Serge Osmeña (33), Sen. Panfilo Lacson (31), Sen. Alan Peter Cayetano (20) at Sen. Joker Arroyo (23).

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply