Mabubulaga ka sa dami ng nagugutom

SINUSUBAYBAYAN natin, Suki, ang kilos ng Department of Social Welfare and Development ni Manang Dinky Soliman.

Kulang na kulang pa umano ang pondo nito na P21 bilyon para sa kanyang programang Conditional Cash Transfer para sa taong ito. Kaya naman naghahagilap na ang Department of Budget and Management ng karagdagang pondo para rito at gawin itong P23B.

Paliwanag nila, may isang milyon umanong nakinabang sa CCT nitong 2010. Ngayong 2011, lumundag ang magiging benepisiyaryo sa 2.3M at sa 2012, magiging 3M sila lahat.

Sa susunod kayang mga taon hanggang sa mawala sa eksena si PNoy, ilan kaya ang target ni Manang Dinky Soliman na benepisiyaryo?

oOo

Sa biglang tingin, Suki, oki na oki ang programang CCT. Ang galing-galing talaga ng gobyerno sa pag-aasikaso sa mga mahihirap.

Pero hanggang kailan matatapos ang problema sa kahirapan at gutom na siyang tinutugunan ng CCT?

Sa nagaganap kasi ngayon, parang kung sino ang nagmumukhang maawain sa mga mahihirap ay
siya talaga ang isang malaking dahilan  ng kahirapan at kagutuman.

Tingnan ninyo, Suki.

Isang taon nang nakaupo ang bagong pamahalaan pero ni isang daliri ay wala itong itinataas laban sa mga pesteng kuryente, langis,  kontraktuwalisasyon, sobrang baba na sahod, sobrang pribilehiyo sa mga mambabatas at nasa Palasyo sa anyo ng pork barrel, awtomatikong
pagbabayad sa utang at iba pa na tuwirang lumilikha ng kahirapan sa nakararaming mamamayan.

Sa halip, ang magbigay ng limos sa mga biktima ng nasabing mga peste ang inaasikaso nito.

Lumalabas na consuelo de bobo ang pinagkakaabalahan nito.

At habang nagaganap ang lahat ng ito, baka mabulaga na lang sila sa katotohanang mahigit pala sa kalahati ng 95M lahi ni Juan ang kanilang dapat na limusan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply